Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga employer sa pribadong sektor na sundin ang wastong pasahod para sa mga empleyadong magtatrabaho sa Martes, Agosto 21.

Ayon sa DoLE, ito ay alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na ginawang holiday ang Agosto 21 bilang paggunita sa Muslim Feast of Sacrifice, Eid’l Adha.

Una nang idineklara ang Agosto 21 bilang special non-working holiday dahil tumapat ito sa Ninoy Aquino Day.

Gayunman, tatanggap lang ang mga manggagawa ng double holiday pay kung sila ay papasok o magtatrabaho sa Martes, ayon sa DoLE.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa Labor Advisory No. 12, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang mga sumusunod na pay rules ang dapat ipatupad sa computation ng suweldo ng mga manggagawa sa Martes, alinsunod sa Proclamation Nos. 269 at 556 noong Hulyo 17, 2017 at Agosto 15, 2018:

Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 porsiyento ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang Cost of Living Allowance (COLA).kapag pumasok naman ang empleyado, babayaran siya ng karagdagang 30% ng 200% ng kanyang suweldo para sa isang araw sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA.

Kapag ang empleyado ay nagtrabaho nang lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate.

Nakasaad din sa advisory na kapag ang empleyado ay nagtrabaho, at nataon ito sa kanyang day-off, tatanggap siya ng karagdagang 50% ng kanyang arawang sahod na 200%.

Sakali namang mataon na day-off ng empleyado at nagtrabaho siya nang overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30% ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw.

-Mina Navarro