UMULAN man o bumaha, tuloy ang kasalan. Ito ang nangyari sa isang bayan sa Bulacan na sa kagustuhan at determinasyon ng dalawang magsing-ibig na pagtaliin ang kanilang mga puso, binalewala ang tubig-baha na umabot sa loob ng simbahan. Lumalakad ang bride (nobya) na kaladkad ang basang damit-pangkasal sa naghihintay na bridegroom (nobyo) na basang-basa rin ang pantalon at sapatos.
‘Di ba si Balagtas ang nagwikang “Oh, pag-ibig na makapangyarihan, hahamaking lahat masunod ka lamang?” Samakatuwid, hinamak ni lalaki at ni babae ang tubig-baha sa Hagonoy, Bulacan upang lasapin ang tunay na kahulugan ng tunay na pagmamahalan. Sana ay mag-ibigan kayo hanggang wakas at hindi panlimigin ng tubig-baha kahit maputi na ang inyong buhok at may 10 ng anak.
Matindi ang dalang ulan at baha ng Habagat sa maraming panig ng Pilipinas. Malalakas na ulan ang nagbunsod ng pagbaha sa iba’t ibang parte ng bansa, kabilang ang Metro Manila, na nagresulta sa usad-pagong na daloy ng trapiko at suspensiyon ng klase ng mga mag-aaral.
Suriin nating mabuti ang kampanya ng gobyerno laban sa illegal drugs. Agad itinutumba ng mga pulis at vigilantes ang ordinaryong mga pusher at user sa drug buy-bust operations na nakuhanan nila ng ilang sachet ng shabu. Ngayong ginulat ang bansa ng P6.8 bilyong smuggled shabu sa Bureau of Customs (BoC), umaasa ang taumbayan na maitutumba ng mga pulis at vigilantes ang mga smuggler at mga kasabuwat na tauhan ng Bureau of Custongs, este Customs, na nagpalusot ng isang tonelada o 1,000 kilo ng shabu.
Aminado maging ang most trusted at confidant ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Christopher Go, aka Bong Go, na ang isinusulong na pederalismo ng kanyang Boss ay isang “long shot” o mahirap matamo. Ayon sa kilalang photo bomber, este Bong Go, ang hangaring baguhin ang porma o sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo ay lumalabo at walang tsansang maisakatuparan.
Karamihan daw kasi sa mga Pilipino, batay sa surveys ng Social Weather Stations at Pulse Asia, ay kulang sa kaalaman at pang-unawa sa federal system of government. Nais nilang manatili ang kasalukuyang presidential form of government.
Para sa mga senador, ang pederalismo ay nasa ICU at naghihingalo. Pero para kay Senador Panfilo Lacson, patay na ang pederalismo at naghihintay na lang ng cremation. Nang mag-viral ang video ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson kasama ang isang male blogger na sumayaw at kumanta ng I-PEPE MO (vagina) at I-DEDE MO (breasts), tahasang sinabi ni Lacson na ang pederalismo ay cremated na at abo na!
-Bert de Guzman