Umaasa ang Malacañang sa Office of the Ombudsman para imbestigahan at panagutin ang matataas na opisyal ng Nayong Pilipino Foundation na sangkot sa diumano’y irregular lease contract sa isang casino resort developer.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang mga sinibak na opisyal ng state-owned entity ay posibleng maharap sa kasong graft o plunder dahil sa pag-apruba sa “flawed’ at “grossly disadvantageous” lease agreement.
“Ngayon po inaasahan natin na meron ng bagong Ombudsman na kapag may ganitong desisyon po ang Presidente at alam na alam naman ng Ombudsman iyan, inaasahan po natin ang madaliang pag-imbestiga at pagsampa ng kaso laban sa kanila,” ani Roque sa isang panayam sa radyo.
“Panghabangbuhay po iyan, kasi iyan po ay graft ‘no at depende sa halaga, pupuwede pang maging plunder,” aniya, nang tanungin tungkol sa posibleng kaparusahan sa mga sangkot na opisyal.
Nitong Martes, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng board at management officials ng Nayong Pilipino Foundation kaugnay ng “ridiculous” long-term lease contract sa Landing Resorts Philippines Development Corp. (LRPDC) para sa integrated project sa Manila Bay entertainment district.
Nangyari ito kasabay ng groundbreaking ceremony ng panukalang $1.5 bilyon NayonLanding project, na iniulat na kabibilangan ng hotels, casino, indoor theme parks, at restaurants.
-Genalyn D. Kabiling