Arestado ang apat umanong miyembro ng robbery-holdup na nambibiktima ng mga estudyante sa Tondo, Maynila, kinumpirma kahapon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa report ng CIDG-National Capital Region (CIDG-NCR), kinilala ang mga suspek na sina Aries Manucom, alyas Archie, 33, ng Balut, Tondo; Joseph Nagpacan, 30; Ryan Quisto, 23; at Manuel Gabriel, Jr., 26, pawang taga-Balut, Tondo.
Ayon sa CIDG- Manila District Field Unit, nakatanggap sila ng report hinggil sa panghoholdap ng isang grupo na ang puntirya ay mga estudyante sa Tondo.
Dahil dito, sa pamumuno ni SPO4 Obet Chua, inalerto ang mga tauhan ng Oplan Pagtugis, Oplan Paglalansag Omega, Oplan Big Bertha, at Oplan Salikop.
Sinalakay sa kani-kanilang bahay ang mga suspek at ‘di na nakapalag nang damputin ng mga pulis.
Nakuha sa mga suspek ang iba’t ibang kalibre ng baril na pinaniniwalaang ginagamit sa panghoholdap at hinihinalang shabu.
Kinasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-Fer Taboy