MATINDI ang bira ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano. Tinawag niya ang dating kasama sa pagbubunyag noon sa anomalya ni ex-Vice President Jejomar Binay, bilang isang “political snake”. Wala raw ginawa si Mang Tano para ipursige ang tagumpay ng Pilipinas sa arbitration case laban sa China hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Binira ni Trillanes si Cayetano bilang reaksiyon sa pahayag nito sa banat na sa ilalim ng Aquino administration, nawala ang kontrol ng ‘Pinas sa Panatag (Scarborough) Shoal sa China. Tinatanong ni Trillanes sina Cayetano at ang boss niyang si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung bakit hindi nila itinuloy ang pag-angkin sa “historic victory” ng ating bansa sa Arbitral Court sa Netherlands laban sa China.
Dagdag pa ni Trillanes: “Or better yet, why aren’t you fighting for our sovereignty the way you promised during the campaign.” Parang may punto rito ang senador dahil noong May 2016 campaign, ipinangako ni PRRD na ipagtatanggol niya ang karapatan at soberanya ng PH sa WPS. Na siya ay mag-jejetski pa sa WPS para itanim ang bandilang Pilipino roon at pagsabihan ang China na pag-aari ito ng ‘Pinas.
Pinatunayan daw ni Cayetano na siya ay isang “Ahas sa pulitika” dahil nang mangyari ang Panatag standoff, si Mang Tano ay isa pang senador at loyal (matapat) pa sa Aquino administration. Idinepensa pa raw siya ni Cayetano sa Senado sa pagiging negotiator sa Beijing at wala itong nakitang kamalian sa paglutas ni PNoy sa sigalot sa China.
“Very good” ang net satisfaction rating ng administrasyong Duterte sa 2nd quarter ng 2018, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Lumitaw sa survey nitong Hunyo 27-30 na 72 porsiyento ng adult Filipinos ang nasisiyahan sa performance ng administrasyon. Salungat naman dito ang 13 porsyento na nagsabing hindi sila nasisiyahan sa ginagawa ng kasalukuyang administrasyon.
Hindi tulad ng pinatalsik na si Davao del Norte Rep.Pantaleon Alvarez, bibigyan ni dating Pangulo at ngayon ay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (SGMA) ng kaukulang taunang district funding allocation ang bawat kongresista, maging sila ay kasapi sa Majority o sa Minority. Sa pangunguna ni ex-Speaker Feliciano Belmonte Jr., nagpasalamat ang Majority at Minority blocs kay SGMA dahil hindi nito paiiralin ang diskriminasyon laban sa mga mambabatas na hindi bumoto sa kanya o ayaw sa kanya.
Kung si Vice Pres. Leni Robredo ang tatanungin, dapat nang ipagbawal sa pulitika ng bansa ang mga “balimbing” o “political butterfly” na agad lumilipat sa partido ng nanalong presidente. Isinusulong niya ang pagbabawal sa political turncoatism upang matutuhan ng mga pulitiko ang kahalagahan ng mga ideals at adhikain ng partido sa halip ng kanilang political survival.
Binanggit niya na nang si PNoy ang nahalal na pangulo, kokonti lang ang kasapi noon ng Liberal Party subalit bigla itong lumaki at naging isang dominant political party. Nang wala na si PNoy, biglang naglundagang mga daga ang LP members at lumipat sa PDP-Laban ni PDu30.
“You join a political party because because you share the same views. I should not be personality-oriented,” saad ni beautiful Leni. Well, well, hintayin natin kapag si VP Leni na ang naging pangulo ng bansa, at tingnan natin kung tatanggapin niya ang mga “balimbing” at “political butterfly” na siguradong aanib sa kanyang partido.
-Bert de Guzman