MAY mga text at online messages na kumalat pagkatapos ng pagsabog ng bomba sa Basilan na nagsasabiNG ito ay simula lamang ng mga mas malakas pang pagsabog sa mga sentro ng kalunsuran ng bansa. Nitong Martes, isang lalaking mukhang dayuhan ang nagpasabog ng bomba sa sasakyang minamaniobra niya malapit sa isang military detachment sa Lamitan, na ikinamatay ng isang sundalo, anim na militiamen at apat na sibilyan kabilang ang isang bata. “Martyrdom operation,” wika ng grupo ng Jihadi Islamic na siyang umako ng pagsabog. Pero, ibinintang ito ng militar sa Abu Sayyaf faction sa pamumuno ni Furiji Indama, bilang bahagi ng pangingikil ng mga bandido sa mga lokal na pamahalaan.
“Sa ngayon, hinihiling ko sa publiko na tumigil sa paggawa ng espekulasyon at hintayin natin ang resulta ng imbestigasyon ng mga kinauukulan,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing sa Bukidnon nitong Biyernes. Pero, bakit hindi kakalat ang mga text messages hinggil sa mga darating pang mas malakas na pagsabog sa mga kalunsuran? Ito ay dahil kasunod ng pagsabog sa Basilan, isinailalim sa heightened alert status ang buong puwersa ng pulisya sa Metro Manila, upang maiwasan ang umano’y posibilidad na pag-atakeng tulad ng naganap sa Basilan.
Ayon kay National Capital Region Police Office Director Guillermo Eleazar, sa pagpapairal ng heightened alert status, magpapakalat ang NCRPO ng karagdagang mga pulis na magpapatrulya at magsasagawa ng pinaigting na intelligence-gathering para matukoy ang alinmang banta ng terorismo sa Kamaynilaan. Inatasan din ni Eleazar ang lahat ng district director, chief of police at station commander na paigtingin pa ang mga hakbanging crime prevention at anti-criminality operation at magsagawa ng regular checkpoint operation.
Hindi natin alam kung sino ang nagkakalat ng text at online messages, pero ang mga ito ay nakatutulong para takutin at matakot ang taumbayan. Ang ginawa ng NCRPO bilang reaksyon sa insidente sa Basilan ay hindi magpapakalma sa kanila, lalo na si Department of Transportation (DoTR) Secretary Arthur Tugade. Ipinag-utos na rin niya na isailalim sa heightened alert status ang lahat ng paliparan, daungan, railways, mga terminal at transport hubs sa buong bansa. Nagpalabas din siya ng direktiba sa mga line agencies ng kanyang departamento tungkol sa pagpapalabas ng alert protocol para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko. May mga sumunod na ring pagsabog sa Antipolo City at nitong Biyernes ng gabi, sa pantalan ng Masbate. Pero ayon kay Armed Forces Spokesman Col. Edgard Arevalo, wala raw kaugnayan ang mga ito sa nangyari sa Basilan. Kagagawan, aniya, ang mga ito ng mga komunistang rebelde.
Hindi malayo na magkatotoo ang mensaheng ikinalat sa internet at text lalo na kung may kaugnayan ang mga ito sa masamang hangarin sa bayan. Pinagugulo na kasi ang bansa tulad ng mga nahuhuling bulto-bultong ilegal na droga, mga ulat sa pagdagsa ng mga dinarakip at napapatay na sangkot dito at ng iba’t ibang krimen. Inilalatag na ang batayan para ideklara ang martial law. Ganito ang nangyari nang ipataw ni dating Pangulong Marcos ang martial law. Ginamit niya ang komunismo at pagsabog sa iba’t ibang bahagi ng Maynila upang proteksyunan daw ang republika.
-Ric Valmonte