KAPAG sumapit na ang buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang Buwan ng Wikang Pambansa. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay batay sa Presidential Proclamation No.1041 na nilagdaan at ipinahayag ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Huyo 13, 1997 na nag-aatas na ang Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa at Nasyonalismo. Sa nasabing Presidential Proclamation, kinikilala ang kahalagahan ng isang katutubong wika bilang mahalagang kasangkapan sa komunikasyon, unawaan, pagkakaisa at pambansang kaunlaran.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay pinangungunahan lagi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). At ngayong 2018, ang paksa o tema ng pagdiriwang ay FILIPINO: WIKA NG SALIKSIK. Ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong 2018 ay nakaangkla sa pagpapalakas ng pagpapanatili ng wika sa larangan ng pananaliksik.
Ang KWF ay may mga inihandang gawain na mag-uugnay sa mga guro, linguists, mananaliksik at iba pang organisasyon mula sa iba’t ibang rehiyon, na nangako ng bahagi sa pagkakaroon ng kultura ng pananaliksik na pinag-uugnay ng ating mga lokal na wika.
Inihudyat ang isang buwang pagdiriwang ng flag-raising ceremony sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Nagdaos ng press conference ang mga kilalang scholar at propesyunal na lumikha ng “Lakad Para sa Wika”, isang kampanya na mapalakas ang Filipino bilang wika ng saliksik.
Bahagi rin ng simula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ang tatlong araw na Kongreso sa Wika (Agosto 2-4) na ginanap sa gusali ng Albertus Magnus sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ay gaganapin din sa iba’t ibang rehiyon. May mga gagawing komperensiya sa iba’t ibang petsa sa mga sumusunod na lalawigan: Benguet, Abra, Ifugaw, Kalinga, Ilocos, Quirino, Nueva Ecija, Bulacan, Batangas, Palawan, Marinduque, Bikol, Sorsogon, Camarines Norte, Iloilo, Aklan, Bacolod, Cebu, Leyte, Biliran, Zamboanga, Bukidnon, Davao Oriental, General Santos, Marawi at Sulu.
Magiging bahagi rin ng pagdiriwang ang saliksik sa wika at kultura sa Bukidnon State University; ang Pasinaya sa Bantayog ng Wika sa Balanga, Bataan at Batangas City; at Talakayan sa Pananaliksik sa Palawan State University.
Sa pagdiriwang ngayong 2018 ng Buwan ng Wikang Pambansa, marami tayong kababayan ang umaasa na makikiisa ang mga nasa pamahalaan. Mangingibaw ang kanilang pagka-makabayan at pagiging Pilipino sa isip, sa gawa at salita. Hindi ang pagiging regionalist at ang pagkalasing sa Ingles. Ang Ingles ay ang ating pangalawang wika. Nagsisilbi itong dagdag na lakas sa pakikipag-unawaan sa buong mundo. May katangian ang Filipino na wala sa Ingles. Alinmang wika ay tulad ng isang puno. Lumalago sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga karagdagang salita bunga ng patuloy na pagbabago sa lipunan, kapaligiran at ng buhay.
-Clemen Bautista