Tatlong Pilipinong manggagawa at isang South Korean ang umano’y binihag ng mga armadong lalaki, matapos dukutin sa isang water project site sa kanlurang bahagi ng Libya nitong Hulyo 6, base sa kumakalat na video sa social media.

Sa nasabing video na nag-viral nitong Hulyo 27, mapapanood ang mga bihag na nakaupo sa disyerto habang nakabantay ang ilang lalaking armado ng matataas na kalibre ng baril at may takip na itim na tela sa ulo.

Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Tripoli, pawang technician ang tatlong bihag na Pinoy.

Matapos makarating sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing video, tiniyak ni DFA Spokesperson Elmer Cato sa pamilya ng mga dinukot na Pilipino na gagawin ng ahenisya ang lahat ng hakbang upang masiguro ang kaligtasan ng mga biktima.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gayunman, ikinatuwa ng DFA na nakita sa video na buhay ang dinukot na mga kababayan.

“We are glad to see them alive and safe and we’d like to assure their families that we’re doing everything we can to ensure their safe and early release.”

Aminado ang DFA na matagal nang problema ng gobyerno ng Pilipinas ang pamimirata at pagdukot sa mga Pinoy worker at seaman, lalo na sa Africa, dahil pahirapan at kulang sa kapasidad na ma-monitor ang mga galaw ng mga ito sa karagatan at baybayin.

Samantala, malaki ang tiwala ng misis ng isa sa mga dinukot na Pinoy.

“Noong July 5 naka-online siya sa Facebook pero hindi ko nasagot, at noong July 6 nag-online pero hindi naka-open sa messenger n’ya pero nag-message pa rin ako, pero hindi na siya sumasagot sa buong araw na iyon. Nang mag-open uli ako ng Facebook ko, nakita sa Libyan Observer na may naka-post na tatlong Filipino at isang South Korean na na-kidnap doon sa work site ng asawa ko,” kuwento nito.

“Malaki ang tiwala ko sa ating pamahalaan at malaki ang pag-asa naming na gagawin nila ang lahat para sa kaligtasan ng mga bihag, dahil sila lamang ang makakatulong sa amin at wala ng iba,” pahayag ng misis ng biktima.

Ikinuwento rin nito ang panaginip ng kanyang na anak, na nagpalakas ng kanyang loob na buhay ang kanyang asawa.

“’Mama nakita ko si papa sa panaginip ko. Kinuha sila papa sa trabaho nila, pagkatapos isinakay sa truck at dinala sa malaking gate na naka-padlock may hagdanan pababa, doon itinago sila papa na pinapanood lamang ng mga kidnaper.’”

Kaugnay nito, pinabulaanan nito na undocumented ang work abroad ng asawa dahil kumpleto umano ito sa mga papeles at naipaalam na niya sa OWWA ang sitwasyon para matulungan sila.

“Hiling ko sa ating pamahalaan na mapauwi nila nang ligtas ang aking asawa, kahit maghirap kami. Sa sitwasyon namin ngayon ay pinagsabihan ko ang panganay ko na mag-stop muna sa pag-aaral, dahil mahalaga na makauwi ang kanilang papa,” dugtong nito.

-BELLA GAMOTEA at RIZALDY COMANDA