Isinailalim kahapon sa heightened alert status ang buong puwersa ng pulisya sa Metro Manila upang maiwasan ang posibilidad na mangyari ang pag-atakeng tulad ng nang umano’y car bombing sa Lamitan City, Basilan, na ikinasawi ng 11 katao.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, kasabay ng pagpapairal ng heightened alert status ay ang pagpapakalat ng karagdagang pulis na magpapatrulya at magsasagawa ng pinaigting na intelligence-gathering upang matukoy ang alinmang banta ng terorismo sa Metro Manila.

“We should always be ready, prepared here in Metro Manila with what happened in Lamitan, Basilan,” sabi ni Eleazar. “That is the reason why we are upgrading our alert status in order dor us to be prepared. We don’t want to have a spillover of attacks here in Metro Manila.”

Kasabay nito, inatasan ni Eleazar ang lahat ng district director, chief of police, at station commanders na paigtingin pa ang mga hakbangin sa crime prevention at anti-criminality operations, at magsagawa ng regular na checkpoint operations.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nitong Martes, isang lalaking hitsurang dayuhan ang nagpasabog ng bomba sa sasakyang minamaniobra niya malapit sa isang military detachment sa Lamitan, na ikinamatay niya at ng 10 iba pa, kabilang ang isang sundalo at ilang sibilyan, kabilang ang isang bata.

Batay sa paunang intelligence information assessment kasunod ng pambobomba sa Basilan, sinabi ni Eleazar na walang natatanggap na report ang NCRPO tungkol sa posibleng terror attack sa Metro Manila.

Gayunman, nilinaw niyang ginagawa ng pulisya ang lahat upang maiwasang mangyari ang kaparehong pag-atake sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa.

Nanawagan din ang NCRPO Chief ng kooperasyon sa publiko na maging alerto at mapagmatyag, at kaagad na i-report sa awtoridad ang anumang makitang kahina-hinalang bagay o kilos ng indibiduwal o grupo.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang pagsasailalim sa heightened alert status sa lahat ng paliparan, daungan, railways, mga terminal at transport hubs sa buong bansa.

Nagpalabas na rin si Tugade ng direktiba sa lahat ng attached at line agencies ng DOTr tungkol sa pagpapalabas ng alert protocols para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko.

“We should not compromise nor take for granted the safety and security in our surroundings, people and facilities. Issue alert and security protocols,” saad sa direktiba ni Tugade.

-AARON B. RECUENCO at BELLA GAMOTEA, ulat ni Mary Ann Santiago