April 13, 2026

Home BALITA Metro

Singil ng Maynilad, Manila Water, tataas din pagpasok ng Abril!

Singil ng Maynilad, Manila Water, tataas din pagpasok ng Abril!

Inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagpapatupad ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) para sa ikalawang quarter ng 2026, na magreresulta sa bahagyang pagtaas ng singil sa tubig ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc. simula sa Abril.

Ayon sa MWSS, ang FCDA ay mekanismo sa taripa na nagpapahintulot sa mga concessionaire na mabawi ang pagkalugi o maibalik ang kita dulot ng pagbabago sa foreign exchange rate na may kaugnayan sa kanilang mga pautang na denominated sa foreign currency.

Para sa Maynilad, inaprubahan ng regulator ang pagtaas ng singil na may average na ₱0.09 kada cubic meter. Samantala, ₱0.04 kada cubic meter naman ang aprubadong dagdag-singil para sa Manila Water.

Dahil dito, inaasahang tataas ang bayarin ng mga kustomer ng Maynilad ng humigit-kumulang ₱0.27 para sa konsumo na 10 cubic meters pababa, ₱1 para sa 20 cubic meters, at ₱2.07 para sa 30 cubic meters pagdating ng Abril. 

Sa Manila Water naman, aabot sa ₱0.14, P0.29, at ₱0.58 ang magiging dagdag sa parehong antas ng konsumo.

Metro

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO

Hinimok din ng MWSS ang mga kwalipikadong konsyumer, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na mag-apply sa enhanced lifeline program na nakalaan para sa mga low-income at mababang konsumo ng tubig na hindi lalampas sa 20 cubic meters kada buwan.

Samantala, pinatawan din ng MWSS ng mahigit ₱42 milyon na multa ang Maynilad matapos nitong hindi matugunan ang service obligation sa bahagi ng kanilang concession area noong Pebrero.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng Maynilad na susundin nito ang desisyon ng MWSS na magpataw ng multa.

Ipinaliwanag ng kumpanya na ang naging pagkaantala ng suplay ng tubig ay “associated with weather-driven changes in raw water conditions in Laguna Lake.”

Ayon pa sa kumpanya, ang mga pagbabagong ito ay “required operational adjustments in our treatment facilities, including reductions in plant production levels to ensure that treated water continued to comply with the Philippine National Standards for Drinking Water.”

Dahil dito, nabawasan ang produksyon ng treatment plant noong Pebrero.

“We continue to implement operational improvements and infrastructure upgrades to strengthen the reliability of water supply in the southern portion of our concession area, particularly during periods when weather conditions affect raw water intake from Laguna Lake,” dagdag ng Maynilad.