DEAR Inang Mahal,

Halos tatlong dekada na po kaming kasal ng aking mister. Dalawa po ang anak namin. Ang problema ko ay ang kanyang lumalalang pang-aabuso. Noong una ay puro sa salita lamang n’ya ito ginagawa, pero kamakailan, may halo na po itong pananakit. ‘Yon pong mister ko ay masyadong mahigpit. Ang nakakalungkot pa, lahat po ng ari-arian namin ay nakalagay sa kanyang pangalan. Dahil dito, hindi ko po siya maiwan. Wala po kasi akong pera at hindi ko kayang suportahang mag-isa ang aming mga anak. Mahal ko pa naman po siya pero masakit din ang loob ko sa kanyang ginagawang pang-aabuso. Ano po ang pwede kong gawin para siya ay magbago?

Belen

Dear Belen,

Makalipas ang tatlumpung taong pagsasama, ang tsansa na siya ay magbago ay tila maliit na. Bakit? Kasi, wala naman siyang nakikitang dahilan para magbago ng ugali. Ang malungkot na realidad ay ito: Ayon sa isang pag-aaral, ang mga abusadong lalaki ay mahirap nang magbago, kahit na ‘yong mga umamin, na naging abusado sila.

Kailangan mo ng tulong para makalaya ka sa ganitong mapang-aping relasyon. May center akong itinayo noong 1992, para maging kanlungan ng mga babaeng biktima ng pang-aabuso. Ito ang The Haven for Women, na nasa pamamalakad ng DSWD. Libu-libong kababaihan na ang natulungan nito. Subukan mong bumisita sa alinman sa mga centers na ito, na matatagpuan sa lahat ng rehiyon sa buong bansa. Ang kanilang main office ay matatagpuan sa Ayala-Alabang. Makipag-ugnayan ka sa kanila, sa pamamagitan ng pagtawag sa (02) 807-1591.

Sa The Haven for Women, ikaw ay papayuhan, gagamutin at bibigyan ng tulong upang matuto kang maghanap-buhay. Kung ang mga anak mo naman ay nag-aaral pa, gagawa rin sila ng paraan kung paano nila maipagpapatuloy ang kanilang pagpasok sa eskuwela. Nakahanda rin silang magbigay ng payong-legal, sakaling kailanganin mo ito. Sa ‘yong problemang-legal, puwede ka ring lumapit sa FLAG (Free LegalAssistance Group) sa teleponong: (632)-920-5132.

Ayon sa batas, may karapatan ka sa kalahati ng lahat ng pera at ari-arian na naipundar n’yong mag-asawa mula nang kayo ay ikasal. P’wede mo itong ipaglaban sa Korte para mapasaiyo. Kung sa palagay mo’y mahihirapan mo itong gawing mag-isa, humingi ka ng tulong sa isang kaibigan o malapit na kapamilya.

With Affection,

Manay Gina

-Gina de Venecia