Ipinauubaya na lang ng Malacañang na gumulong ang legal na proseso kaugnay ng napaulat na pagpapaaresto ng korte sa apat na dating party-list representative dahil sa pagkakasangkot umano sa kasong murder.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na iginagalang ng Palasyo ang kalayaan ng mga hukuman sa paghawak ng mga kaso.

“The matter is still with the Regional Trial Court. The Palace will continue to respect the independence of our courts. We should therefore let the legal process run its course,” ani Roque.

Naiulat na naglabas ng warrant of arrest ang hukuman ng Palayan City sa Nueva Ecija laban kina National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Liza Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano, at dating Bayan Muna Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ibinaba ng hukuman ang kautusan kaugnay ng alegasyong sangkot umano ang apat sa pagdukot at pagpatay sa tatlong tagasuporta ng kalaban nilang Akbayan Party-list, noong 2006.

Bago naging bahagi ng administrasyong Duterte, si Maza ay naging kinatawan ng Gabriela Women’s Party-list, habang si Mariano ay kinatawan naman ng Anakpawis Party-list.

-GENALYN D. KABILING