Ilang minuto bago dumating sa Batasan Complex sa Quezon City si Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) mag-aalas kuwatro ng hapon kahapon, inalis sa puwesto ng mga kongresista si House Speaker Pantaleon Alvarez at pinanumpa bilang kapalit niya si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal- Arroyo.

PAMPALIPAS-ORAS Inaaliw ng Philippine National Police ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtugtog kasama ng banda habang naghihintay sa pagdagsa ng mga raliyista, sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon, ilang oras bago ang State-of-the-Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

PAMPALIPAS-ORAS Inaaliw ng Philippine National Police ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagtugtog kasama ng banda habang naghihintay sa pagdagsa ng mga raliyista, sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon, ilang oras bago ang State-of-the-Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. (KEVIN TRISTAN ESPIRITU)

Habang nanunumpa bilang bagong pinuno ng Kamara de Representantes, sinalubong naman ni Alvarez si Pangulong Duterte sa pagdating nito sa Batasan, na mistulang walang alam sa nangyayari sa loob ng Plenary Hall.

Nauna rito, nabigo ang Kamara na ratipikahan ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na una nang pinagtibay ng Senado.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Itinakda at inaasahan na ang pagratipika ng dalawang Kapulungan sa BOL upang malagdaan ni Pangulong Duterte ang makasaysayang panukala sa SONA kahapon.

Mismong si Alvarez ang nagbukas ng ikatlong regular session ng 17th Congress kahapon ng umaga at nagtalumpati tungkol sa mga tagumpay ng Kamara sa nakalipas na Kongreso.

Naniniwala ang marami na valedictory speech ang ginawa ni Alvarez dahil napaulat na pumayag na itong bumaba sa puwesto upang bigyang-daan ang pamumuno ni Arroyo.

Tutol naman sa pagpapatalsik kay Alvarez si Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, na nagsabing kung mangyayari iyon ay bababa na rin siya sa puwesto.

Hanggang sa biglang nagdeklara ng adjournment si Deputy Speaker at Cebu Rep. Gwendolyn Garcia, at kasabay nito, bigla na lang naglaho ang mace ng Kamara, na lagi lang nakasabit sa rostrum.

Nag-resume naman ng sesyon ang malaking grupo ng mga kongresista at nagsipagbalik sa plenary hall pasado 1:00 ng hapon upang ipagpatuloy ang mga deliberasyon tungkol sa BOL at sa pagpapalit ng liderato ng Kamara.

Nabatid na nitong weekend lamang pinlano ang pagpapatalsik kay Alvarez sa pamamagitan ng serye ng mga pulong sa pagitan ng mga grupong kaalyado ng anak ng Pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte at ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo Jr., dating matalik na kaibigan at ngayon ay mortal na kaaway ni Alvarez.

Binuo rin ang “Alvarez Out” Viber group, na kinabibilangan din ni Mayor Duterte

Sa bisperas ng SONA, nagsimulang makatanggap ang mga kongresista ng mga anonymous text message na nakasaad ang “vote for GMA.”

-BEN R. ROSARIO