Sa ikatlong pagkakataon sa State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi dadalo ang kanyang sinundan na si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, at hindi harapang maririnig ang mga batikos na maaaring ibato sa anim na taon niyang pamamahala sa gobyerno.
Ipinahayag ng House of Representatives na posibleng hindi rin makadadalo si Vice President Leni Robredo. Hindi sasamahan ni Aquino ang mga dating pangulo sa mga espesyal na upuan na iniresereba sa kanila.
“President Aquino already sent regrets,” sinabi ng Inter-Parliamentary Relations and Special Affairs Bureau of the House of Representatives sa reporters sa viber message kahapon.
Sa kabilang banda, dadalo sina dating Pangulong Fidel V. Ramos at dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada sa SONA na ipapahayag sa Lunes sa Plenary Hall ng Lower House sa Quezon City.
Inaasahan namang ookupahin ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang upuan bilang miyembro ng 17th Congress.
Ito na ang ikatlong SONA na dadaluhan ni Arroyo simula nang makumpleto niya ang kanyang panguluhan noong 2010.
Inihayag ni House Secretary General Cesar Strait-Pareja nitong nakaraang linggo na naipadala na ang lahat ng imbitasyon para sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng pamahalaan at naghihintay na lamang sila ng mga kumpirmasyon.
Kabilang sa mga nagkumpirmang dadalo sa SONA sina dating Speaker Jose de Venecia Jr., dating Senate Presidents Juan Ponce Enrile, Aquilino “Nene” Pimentel Jr., at Manuel Villar
-BEN R. ROSARIO