Nadakip ang apat na katao makaraang makumpiskahan umano ng aabot sa P3.3 milyon halaga ng shabu sa magkakahiwalay na pagsalakay ng pulisya sa Cavite, iniulat ng pulisya kahapon.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-4A, isinagawa ang buy-bust operation sa Dasmariñas City at Bacoor City nitong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw.
Unang naaresto sina Jamila Alonto, alyas “Gemma Jose”; at Lanie Garcia, sa Barangay Datu Esmael, Dasmariñas City.
Nauna rito, nakatanggap ang Cavite Police Provincial Office ng sumbong mula sa isang impormante tungkol sa pagtutulak umano ng droga nina Alonto at Garcia.
Nakabili umano ang pulis na poseur buyer ng 150 gramo ng shabu mula sa mga suspek, at kaagad na dinakip ng pulisya.
Bukod dito, nakakumpiska pa umano ang pulisya ng 300 gramo ng shabu mula sa mga suspek nang kapkapan ang mga ito.
Nadakip naman ng pulisya sa Bacoor City si Marvin Destajo, hinihinalang tulak sa Bgy. Zapote V.
Nagpapatrolya ang mga opisyal ng nabanggit na barangay nang natiyempuhan umano si Destajo na may dalang isang sachet ng shabu.
Samantala, nadakip naman sa bisa ng search warrant si Julieta Tabor, ng Cavite City, at nasamsaman umano ng tatlong plastic ng hinihinalang shabu.
Nakapiit na ang apat na suspek na kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165).
-FER TABOY