PAMINSAN-MINSAN na lang kung tumanggap ng trabaho bilang aktor si Congressman Alfred Vargas, dahil naka-focus talaga ang atensiyon niya as a duly elected official ng ikalimang distrito ng Quezon City.
“Sobrang happy ako kasi unang-una, maganda ang performance natin bilang congressman. Isa tayo sa mga top performer sa Congress,” kuwento ni Cong. Alfred.
“ T a p o s , panga l a w a , top-rating din ‘yung Kambal Karibal. Napasama ako roon. Maganda ang show. And okay ‘yung chemistry namin sa set. Napakasuwerte ko. Blessed na blessed ako,” sambit pa ng kongresista.
Ang Kambal Karibal ay produksiyon ng Kapuso Network, at pinagbibidahan nina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Pauline Mendoza at Kyline Alcantara.
Hinahangaan ni Cong. Alfred ang mga kasamahang tween stars sa programa sa pagiging propesyunal ng mga ito, lalung-lalo na si Kyline na sinasabing “next most important star” ng network.
“Si Kyline, I think, she will make it big. She is very professional and committed sa trabaho. Malayo ang mararating niya,” sambit ng former Seiko baby.
Huling napapanood sa big screen si Alfred sa 2017 Cinemalaya entry na Ang Guro Kong Hindi Marunong Magbasa, na directorial debut ni Perry Escaño.
“Nami-miss ko ring gumawa ng pelikula. So, siguro within this year baka mag-produce uli ako ng isang pelikula. May mga co-producer naman ako. Pero hindi ko pa alam kung anong klaseng pelikula. Siguro acting piece, parang Ang Supremo. Medyo malaki ‘yon, so, siguro hindi kasing laki noon. Sa ngayon nae-enjoy ko ang showbiz pero siyempre gusto ko uli gumawa ng movie,” salaysay ng actor-turned-politician.
“No Cinemalaya entry this year kasi I really prioritized TV, so hindi naman namin in-expect na tatagal nang ganito ang Kambal Karibal. Supposed to be ay hanggang February lang ito. Hanggang na-extend na ito until August na. Very grateful ako sa GMA kasi ang ganda-ganda ng role ko. Tapos ang mga tao, grabe ang feedback. Ang ganda rin ng kanilang feedback sa show namin.”
Ang Kambal Karibal ay napapanood weeknights sa primetime block ng GMA, sa direksiyon ni Don Michael Perez. Kasama rin sa cast sina Carmina Villarroel, Sunshine Dizon, Marvin Agustin, Andrew Gan, at maraming iba pa.
-LITO T. MAÑAGO