Pinag-iingat ng awtoridad ang publiko, partikular na ang law students, laban sa mga scammer matapos maaresto ang isang lalaki na umano’y ilegal na nagbebenta ng bar review materials ng isang lehitimong reviewing center sa Las Piñas City.

Inireklamo ni Atty. Hazel Riguera, nasa hustong gulang, pangulo ng isang review center na matatagpuan sa Azucena Arcade, 255 Alabang-Zapote Road, Barangay Pamplona ng nasabing lungsod, ang suspek na si Jake Bryson Dancel, ng Sitio 3, Bgy. Buttong, Laoag City.

Sa pagsisiyasat ng Special Action Unit at Investigation Service (InvS), na-access ni Dancel ang website ng review center at ini-record at kinuha ang nilalaman nito.

Ibinebenta umano ni Dancel ang nabanggit na online bar examinations review materials, sa halagang P2,500, nang walang pahintulot ng naturang kumpanya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ginamit umano ni Dancel ang Facebook account name na “Res Nullius”, upang i-advertise ang pagbebenta ng review materials sa isang Facebook group na “Law Student Help Group Philippines” at nagpapabayad sa pamamagitan ng money courier.

Dahil dito, nagkasa ng entrapment operation ang awtoridad laban kay Dancel at siya ay inaresto sa kanyang bahay sa Laoag City, kamakailan.

Nasamsam sa suspek ang dalawang Toshiba hard drive, isang set ng improvised computer, broadband at ang P2,500 marked money.

Nahaharap si Dancel sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act 10175), Electronic Commerce Act (Republic Act 8792) at Intellectual Property Code of the Philippines.

-Bella Gamotea