ARMADO ng arrest warrant laban sa dalawang tao, puwersahang pinasok ng grupo ng mga pulis ang lugar na pinagdarausan ng pulong nitong Miyerkules ng gabi. Ayon kay Ryan Amper, spokesperson ng Barug Katungod Mindanao, walang lagda ng hukom ang arrest warrant. Ang mga taong nasa warrant of arrest ay hindi naman daw nasa Mother Francisca Spirituality Center na pasilidad ng IPI sa General Santos City na siyang sinalakay ng mga pulis. Aniya, nagpupulong lang sila para alamin ang nangyari na sa development project na ibibigay sa Simbahan.
Inaresto at ipiniit ng mga pulis ang 13 miyembro at volunteer ng IPI. “Ang dalawa sa mga ito ay siyang nasa arrest warrant,” sabi naman ni regional police spokesperson Supt. Aldrin Gonzales, “samantalang ang 11 ay inaresto sa mga salang obstruction of justice and resisting arrest.” Itinago raw nila ang pagkakakilanlan sa dalawa. Pero, kay Amper, bahagi ito ng patuloy na panggigipit sa mga magsasaka at tagapagtanggol ng karapatang pantao na hindi sumasang-ayon sa palakad ng gobyerno. Dahil sa pagdakip at pagkulong sa 13, nagrally ang kanilang mga kamag-anak sa Cagayan de Oro City.
Nasa ilalim ng martial law ang buong Mindanao na tatagal hanggang sa katapusan ng taong ito. Ang pag-aresto sa 13 katao sa General Santos City ay natapat naman sa pag-aresto ng anim na kababaihan na kasapi ng grupo ng mga manggagawa sa Pangantucan, Bukidnon. “Ang mga sunud-sunod na illegal arrest sa Mindanao ay nagpapatunay ng mga abuso sa ilalim ng martial law,” wika ni secretary general Cristina Palabay ng human rights group Karapatan. Ayon sa Karapatan, mayroon nang 986 na biktima ng illegal arrest mula nang isailalim ni Pangulong Duterte ang buong Mindanao noong 23, 2017. Karamihan sa mga ito ay mga magsasaka at katutubo. Ang kainaman na nangyari sa pagdakip sa 13 ay hindi sila nanahimik sa takot. Kahit ipinagbabawal sa panahon ng martial law, nagsagawa pa rin ng kilos-protesta ang mga kamag-anak ng mga hinuli sa Cagayan de Oro. Matapang nilang sinuway ang martial law.
Inilalatag na ang mga batayan para ideklara ang martial law sa Luzon o anumang bahagi ng bansa. Pinagbintangan ni Defense Secretary Lorenzana ang CPP-NPA na nagpaplanong pabagsakin ang administrasyong Duterte. Pinaghuhugutan niya ang mga nakalap daw niyang impormasyon sa mga nagsisukong miyembro nito. Oktubre, aniya, itinakda ng rebeldeng grupo ang kanilang plano, o kaya naman sa Oktubre ay ipoproklama ng Pangulo ang martial law o bago pa sumapit ito? Mariin kasing itinanggi ni National Democratic Front Philippines consultant Joma Sison ang paratang ni Lorenzana bagkus, sabi niya, magdedeklara ng martial law si Pangulong Digong, dahil sa mga mga rebeldeng komunista na siyang pinagbatayan ni Pangulong Maros nang ipatupad niya ito noong 1972. Pero, itinuturo ng mga nagrarally sa Cagayan de Oro City ang armas laban dito kung sakali man: Katapangan at pagkakaisa.
-Ric Valmonte