Idineklara kahapon ng Department of Health (DoH) ang outbreak ng leptospirosis sa 18 barangay sa pitong lungsod sa Metro Manila.

Ito ay makaraang maalarma ang DoH sa biglaang pagdami ng naitalang kaso ng nakamamatay na sakit, na umabot na sa 368, habang 52 na ang nasawi.

Kinumpirma ni DoH Secretary Francisco Duque III na kabilang sa mga barangay na may outbreak ng leptospirosis ang Pinagbuhatan sa Pasig City; BF Homes at San Dionisio sa Parañaque City; North Bay Blvd South sa Navotas City; Addition Hills sa Mandaluyong City; Concepcion sa Malabon City; Bagbag, Bagong Silang, Batasan Hills, Commonwealth, Novaliches Proper, Payatas, Pinyahan at Vasra sa Quezon City; at Lower Bicutan, Western Bicutan, Maharlika Village at Signal Village sa Taguig City.

Nakakaalarma, aniya, ang biglaang pagdami ng tinamaan ng sakit sa Metro Manila.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa datos ng ahensiya, may kabuuang 368 kaso ng leptospirosis ang naitala sa Metro Manila, at 52 sa mga ito ang namatay simula noong Enero 1 hanggang Hulyo 3, 2018 lang.

“This is alarming that is why it is very important that our people are aware of this and that the measures to prevent at this have to be in placed. May outbreaks na tayo ngayon towards week 26 beginning week 27. We have outbreaks in the following cities Mandaluyong City, Pasig City, Quezon City, and Taguig City,” dagdag pa ni Duque.

Aniya, hindi ito nangangahulugan na ang naturang sakit ay nakuha ng mga pasyente sa mga naturang barangay.

“The flooding might have been in a faraway city or barangay. You’re talking about wide areas of flooding,” anang kalihim.

Pinayuhan din ni Duque ang publiko na magsagawa ng mga kaukulang pag-iingat laban sa leptospirosis sa pamamagitan ng pagsusuot ng bota, kung talagang kinakailangang lumusong sa baha, na karaniwang kontaminado ng ihi ng daga.

-Mary Ann Santiago