ANIM na taon lamang si Yuan “Pao Pao” Francisco nang ma-discover siya sa mall ng isang talent scout. Nakapasa siya sa VTR at naging commercial model. Una siyang napanood sa isang TV commercial ng isang fabric softener, na sinundan na ng iba’t ibang commercial, na siya ang model.
Pero mas lalo siyang nakilala nang kunin siya ng GMA Network para sa kanilang telefantasiya na Encantadia. Naging bukambibig ang pangalan niya roon bilang si Pao Pao, ang tagapag-alaga ng ikalimang brilyante ng mga Sang’gre.
Napanood pa si Pao Pao sa iba’t ibang shows ng GMA hanggang sa maisama na siya sa biggest project ng network ngayong taon, ang action-drama-fantasy na Victor Magtanggol ni Alden Richards at siya ang ginawang sidekick ng aktor. Si Yuan ay si Meloy, pamangkin ni Victor, anak ng sister niya.
“Lagi po akong sumasama kay Tito Victor kahit naman wala po akong super power,” kuwento ni Yuan. “Tapos po ako lang ‘yong nagsasabi ng ‘Go Tito, go Tito.’ Ganoon po ako taga-cheer niya ako.”
Pero si Alden, tuwang-tuwa kay Pao Pao at madalas daw niyang kalaro, kakulitan on and off-camera sa taping. “Siya ang nakakaalam ng sikreto ni Victor Magtanggol. Siya ang magiging kasama ko sa mga adventures ko, siya ang magiging kasama ko sa training ko. Magaang katrabaho ang batang ‘yan,” pagtatapos ni Alden sa interview sa kanila ni Yuan sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Martes ng gabi sa GMA 7.
Ayon naman sa mommy ni Yuan, hindi nila nadi-deprive ang anak na mag-aral at maglaro, dahil four hours lamang ang trabaho ng bata kapag may taping kaya maluwag ang schedule niya.
-Nora V. Calderon