MATAPOS punahin ang Diyos, nais ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na makipagpulong sa pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kay Davao Archbishop Romulo Valles. Maganda ang hakbang at intensiyong ito ng ating Pangulo matapos niyang sabihin na “stupid” ang kinikilalang Diyos ng Simbahang Katoliko.
Umaasa ang mga mamamayan na maaayos din ang kontrobersiya na nalikha ng “matabil na dila” ni PRRD na bunsod marahil ng personal (o opisyal?) na galit sa Catholic Church, ang napagbalingang tirahin ay ang Diyos ng mga Katoliko at Kristiyano na hindi naman kumikibo.
Para kay Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), tanging isang “milagro” lang ang makapagsasalba sa usapang-pangkapayapaan (peace talks) sa pagitan ng gobyerno at ng komunistang kilusan. Sinabi ni Joma, dating propesor ni PRRD, ang “hardline stance” ng Pangulo ang pumipigil sa mga rebelde para bumalik at maupo sa “negotiating table” upang magkaroon ng negosasyon tungo sa kapayapaan.
Nagbigay ng ilang kondisyon si Joma upang bumalik sa “mesa ng negosasyon” ang communist insurgents: 1. Pawalang-saysay ng Pangulo ang Proclamation No. 360 na tumatapos sa negosasyon noong Nobyembre 23; 2. Proclamation No. 374 na nagdedeklara sa CPP at NPA bilang terrorist organization noong Disyembre 5; 3. Igalang ang lahat ng kasunduan para sa kapayapaan na narating na simula noong 1992. Mr. Joma, sa palagay mo ba ay papayag dito si Mano Digong?
Sa kabilang dako, iminungkahi ni Sen. Panfilo Lacson na “ilaglag” o huwag nang isali pa sa usapan si Joma, at sa halip ang kausapin ng Duterte admin ay ang lokal na komunista/rebelde. Ani Lacson: “Iminungkahi ko kay Secretary Dureza na gawin ang pakikipag-usap sa mga lokal sapagkat iba-iba ang situwasyon sa bawat probinsiya.”
Ayon kay Lacson, higit na magiging mabilis at epektibo ang pakikipag-usap sa mga lokal na lider ng CPP-NPA kaysa kay Sison na nasa malayong Netherlands na wala nang kontrol sa local NPA rebels sa bansa. Parunggit nga ng isang kaibigan tungkol kay Sison: “Siya ay nasa Netherlands, komportable ang buhay at pakain-kain lang ng steak, subalit ang mga NPA ay nasa kabundukan, naghihirap at kumakain lang ng talbos ng kamote at kangkong at umiinom ng tubig sa ilog at batis.”
Wala na sa Supreme Court si Ma. Lourdes Sereno. Siya ay na-quo warranto ni Solicitor General Jose Calida na sinang-ayunan ng walong mahistrado. Sa ngayon, tatlong SC Associate Justices ang nag-aagawan sa puwesto na binakante ni Sereno, ayon sa source.
Sila ay sina Associate justices Teresita Leonardo-de Castro, Diosdado Peralta at Lucas Bersamin. Silang tatlo ay kabilang sa nagpatalsik kay Sereno. Tumanggi naman si Acting SC Chief Justice Antonio Carpio sa nominasyon. Siya ang pinaka-senor sa mga mahistrado ng Korte Suprema.
Anim sa bawat 10 Pilipino ang ayaw sa same-sex marriage, ayon sa Social Weather Stations (SWS). Naniniwala ang mga Pinoy, lalo na ang mga Katoliko, na ang kasal ay para lang sa isang lalaki at isang babae. Bulalas nga ng aking kaibigan: “Ayaw ng mga mamamayan ang pompyangan (ng dalawang babae) at espadahan (ng dalawang lalaki).”
-Bert de Guzman