TIPO-TIPO, BASILAN – Sumuko sa awtoridad ang dalawang lalaki mula sa Abu Sayyaf Group (ASG), kamakalawa ng hapon. Isinuko rin nila ang kani-kanilang baril at bala.

Ayon kay Police Senior Supt. Rufino F. Inot, acting provincial director ng Police Provincial Office Basilan, nagtungo ang kanyang mga tauhan sa Barangay Lagayas, Tipo-Tipo, Basilan upang sunduin ang dalawang ASG members na kinilalang sina Jamad Habil Habing, 22, na nagsuko ng isang AK-47 rifle na may magazine at 29 na bala ng 7.62; at ang nakababata niyang kapatid si Jem Habil Habing, 20, na nagsuko ng isang M16 rifle at isang M203 grenade launcher na may apat na mahabang magazine at apat na maliit na magazine na may 79 na bala ng M16, apat na M203 live ammunition at isang bandolier.

Kapwa sila residente ng Sittio Bohe Pansul, Barangay Baguindan, Tipo-tipo, Basilan at pampito at pangwalo sa 11 magkakapatid.

Ayon sa magkapatid na Habing, pinugutan ang kanilang tiyuhin at pinatay ng mga miyembro ng ASG bago sila sumapi. Dahil sa takot, napilitan umano silang makipagkaibigan sa mga terorista na palaging naglilibot sa kanilang barangay. Sila ay ni-recruit sa ilalim ng pamumuno ng nasawing ASG Sub-Leader na si Parrung Tede noong 2015.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Napagtanto ng mga miyembro ng ASG na sumuko matapos mamatay ang kanilang sub leader na si Parung Tedy sa airstrike sa Pololomot, Upper Mahataling, Sumisip nitong Mayo 2018.

Sinabi rin ng magkapatid na nais nilang bumalik sa pag-aaral bilang criminology students hanggang sa maging bahagi ng Philippine National Police.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Basilan Police Provincial Office ang mga sumukong ASG.

-JINKY LOU A. TABOR