MUKHANG magbibida si Jared Leto sa Spider Man universe ng Sony bilang si “Morbius”, sa isang stand alone movie.
Dahil una nang gumanap bilang The Joker sa Suicide Squad, lilipat ang Oscar-winning actor mula sa DC papuntang Marvel.
Si Daniel Espinosa, na nagdirehe ng Safe House at ng sci-fi thriller na Life, ang magdidirek ng pelikula.
Hindi pa inihahayag ng Sony ang release date ng pelikula, ngunit inaasahang magsisimula ang shooting ngayong taon.
Magiging kabilang si Morbius sa grupong Venom na pinamumunuan ni Tom Hardy, na ipalalabas naman sa Oktubre. Habang ang Black Cat/Silver Sable movie na Silver and Black ang ikatlong pelikula na kasalukuyang on process na pawang ibinatay sa mga karakter sa Spider Man comic books.
Nilikha noong 1971 ng writer na si Roy Thomas at artist na si Gil Kane para sa The Amazing Spider Man #101, si Morbius ay isang siyentista na tinangkang gamutin ang sariling sakit sa dugo, na nauwi sa pagkikipaglaban niya kay Peter Parker.
Samantala, ipino-promote rin ni Leto ang kanyang bagong album na America at Thirty Seconds to Mars.
-Manila Bulletin Entertainment