PINUTOL na ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pakikipag-ugnayan kay Pangulong Duterte hinggil sa usapang pangkapayapaan. Ayon kay NDFP consultant Jose Ma. Sison, higit na madali at mabunga pa para sa mga rebelde ang makilahok sa kilusang ibagsak ang Pangulo kaysa makipagnegosasyon pa para sa kapayapaan. Hindi, aniya, intresado ang Pangulo na makiisa sa paglikha ng programang pang-ekonomiya kabilang dito ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa. “Nais niyang manatili ang sistemang semi-fendal habang sinusundan niya ang linya ni diktador Ferdinand Marcos na build, build, build infrastructure, borrow, borrow, borrow and steal, steal, steal,” sabi pa ni Sison. Una rito, nagreklamo si Sison sa pagsuspinde ng dalawang buwan sa usapan. Susubukan umano ng Pangulo kung magiging epektibo siya sa paglunsad ng opensiba laban sa mga rebelde sa panahong ito.
Sa kabila banda, nagbuo ang Pangulo ng komite para makipagdayalogo sa mga grupo ng mga kinatawan ng simbahan, partikular ang Simbahang Katoliko. Buga ito ng pagtawag niya ng “stupid” sa Diyos na labis ikinagalit ng mga taong simbahan. Ang komite ay binubuo nina Pastor Saycon, Foreign Undersecretary Ernesto Abella, Leoncio Evasco, at Presidential Spokesperson Harry Roque.
Noong unang panahon, bago pa ideklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law, magkalaban ang Simbahan at mga komunista. Tubig at langis ang kanilang relasyon. Ayon kasi sa Simbahan, walang Diyos ang mga komunistang rebelde. Subalit nang maging malupit na si Marcos sa taumbayan sa pagmimintina niya ng martial law at pagiging diktador, walang nagawa ang Simbahan at ang mga rebeldeng komunista kundi ang magkaisa. Sa kanila kasi tumakbo ang mga mamamayang ginutom na nga ay pinaglupitan pa ng rehimeng Marcos. Sa kanila humingi ng kalinga at tulong ang mga ito. Sa pagsandig sa kanila ng mamamayan, nakabuo ang mga ito ng napakalakas na puwersa na siyang tumibag sa moog ng diktadura. Sa demokrasya, malakas ang gobyerno kapag ito ay suportado ng mamamayan. Kapag epektibong nagagamit ng mamamayan ang gobyerno bilang instrumento para sa kanilang ikabubuti at ikaliligaya, malakas ang gobyerno. Pero kapag humina ang gobyerno at hindi naging gobyerno ng nakararami kundi ng iilan lamang, napakabuway nito. Marahil ito na ang nararamdaman ng adminstrasyong Duterte, kaya ang pagmamalupit sa taumbayan, lalo na sa mga dukha, ang ginagawa. Kapag humihingi na ang mga ito ng katarungan, siguradong makakatulong nila ang Simbahan at NPA.
-Ric Valmonte