ANNAPOLIS, Md. (AP/Reuters) - Matinding galit sa pahayagan ang sinasabing dahilan ng pamamaril ng isang lalaki sa loob ng isang newsroom sa Amerika nitong Huwebes, na naging sanhi ng pagkamatay ng apat na mamamahayag at isang empleyado.
Itinuturing na isa sa pinakamalalang pag-atake sa kasaysayan ng US media outlet ang pamamaril sa loob ng Maryland capital newspaper na “targeted attack” ayon sa mga awtoridad.
Sa ulat ng Capital Gazette at Baltimore Sun, kinilala ang suspek na si Jarrod Ramos, 38, ng Laurel, Mayland.
Ayon sa mga saksi, pinasok ni Ramos ang newsroom ng Capital Gazette at pinaputukan ang pinto ng pahayagan, hinanap pa umano ni Ramos ang mga biktima saka muling pinaulanan ng bala ang loob ng newsroom.
Sa pahayag ni acting police chief ng Anne Arundel county, Bill Krampf, matagal nang may galit ang suspek sa pahayagan dahil sa paglabas ng istorya noong 2011 na tungkol sa criminal harassment laban sa suspek.
Aniya, bagamat hindi pa natutukoy ang motibo ng pamamaril, “we know that there were threats sent to the Gazette through social media.”
Kabilang sa mga nasawi ay sina Rob Hiaasen, 59, assistant managing editor ng pahayagan; Gerald Fischman, editorial page editor; Wendi Winters, features reporter; John McNamara, reporter; at Rebecca Smith, sales assistant. Habang dalawang empleyado pa ang sugatan.
Samantala, sa kabila ng lantarang pagkondena sa media ay agad nagpaabot ng pakikiramay si US President Trump sa pamamagitan ng pag-tweet ng, “My thoughts and prayers are with the victims and their families. Thank you to all of the First Responders who are currently on the scene.”