Muling nagbabala sa publiko ang Department of Health (DoH) kaugnay ng banta ng dengue, dahil sa inaasahang paglobo ng kaso ng sakit dahil na rin sa pagpasok ng tag-ulan.

Nanawagan din si DoH Undersecretary Dr. Rolando Enrique Domingo sa publiko na paigtingin pa ang mga hakbangin upang maiwasan ang pagkalat ng dengue

“Magiging peak season na rin tayo ng dengue ‘pag tag-ulan... usually June, July, August yan,” paliwanag ni Domingo sa isang panayam sa radyo.

Aniya, nakitaan na ng DoH ng pagdami ang kaso ng nasabing nakamamatay na sakit sa ilang lalawigan sa bansa.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

“Talagang expected natin ito kaya pinapalakas natin sa pamayanan ‘yung prevention, meaning search and destroy sa lahat ng puwedeng pugaran,” ani Domingo.

Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na gumamit ng protective gears, katulad ng pagsusuot ng long sleeves, kulambo, at insect repellents upang hindi sila makagat ng lamok.

Bukod dito, pinag-iingat din ni Domingo ang publiko sa iba pang sakit kapag tag-ulan, katulad ng leptospirosis, diarrhea, at gastroenteritis.

Sa huling datos ng DoH, aabot na sa 26,042 kaso ng dengue ang naitala sa buong bansa nitong Enero-Marso 31, 2018 na mas mababa ng 17 porsiyento kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong 2017, na umabot sa 31,358.

-Analou De Vera