Dahil sa nakitang bitak, pansamantalang isinara sa mga motorista ang magkabilang lane ng Otis Bridge sa Pandacan, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), bumigay ang bakal na nakasuporta sa 50-anyos na tulay kaya kinakailangan itong isailalim sa emergency reconstruction upang hindi magdulot ng disgrasya.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), aabot sa 20 talampakan ang bitak sa tulay, kaya naman pinapaalis na rin ang tatlong pamilyang naninirahan sa ilalim nito.
Ayon kay Manila Police District-Public Information Office (MPD-PIO) chief, Supt. Erwin Margarejo, magpapatupad na lang ang MDTEU ng traffic rerouting scheme upang maiwasan ang labis na pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Alinsunod sa rerouting scheme, ang mga sasakyan mula sa Nagtahan/Mabini Bridge (southbound) na nagnanais na kumanan sa Paz Guanzon Street, patungo sa United Nations Avenue ay kinakailangang dumiretso sa President Quirino Avenue Extension, bago kumaliwa sa UN Avenue, patungo sa destinasyon.
Ang mga motorista sa eastbound ng UN Avenue na nais dumaan sa Paz Guanzon Street ay pinakakanan sa President Quirino Avenue patungo sa Plaza Dilao.
-Mary Ann Santiago at Mina Navarro