Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na papanagutin ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DoH) kaugnay ng umano’y iregularidad sa Barangay Health Stations project, na nagkakahalaga ng P8.1 bilyon.

“Past and present official ay kailangang panagutin, of course, dadaan ‘yan sa due process para wala naman silang puwedeng sabihin na parang kinaladkad na lamang sila,” sinabi ni Duque sa isang panayam sa radyo kahapon.

“Ang CoA (Commission on Audit) investigation output or result, iyon ang titingnan natin at susuriing maigi kung magiging sapat ito bilang basehan sa pagsasampa ng reklamo o kaso, at iyon ang gagawin namin,” dagdag ng kalihim.

Inamin ni Duque na kapaki-pakinabang ang proyekto, pero nagkaproblema lang sa pagpaplano nito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Magandang-maganda talaga ang hangarin nito. Ang naging problema ay ‘yung planning,” sabi ni Duque. “Maganda ‘yung konsepto, maganda ‘yung pakay. Kasi gusto nga natin ipaabot sa ating mga barangay na puwede silang makakuha ng serbisyong pangkalusugan. Kahit hindi malubha ang kanilang karamdaman ay puwede silang mabenepisyuhan doon sa mga health promotion programs, disease prevention, immunization at iba pang pangunahing gamot para sa mga simpleng mga sintomas,” dagdag pa ng kalihim.

Sinabi ni Duque na mayroon lamang 270 barangay health station (BHS) na nakumpleto sa 429 na BHS na napaulat na nakumpleto.

“From 429, nag-imbestiga kami. Lumalabas na 270 daw ang posibleng natapos,” ani Duque.

Determinado naman ang gobyerno na papanagutin ang sinumang responsable sa nasabing anomaly.

“The President is dead serious about his campaign against corruption. Basta may ebidensiya po, isasampa naman ‘yan,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque kahapon.

-Analou De Vera at Genalyn D. Kabiling