Patay ang isang lalaki na umano’y tulak ng ilegal na droga at lider ng Highway Group nang manlaban umano sa buy-bust operation sa Taytay, Rizal kamakalawa.

Agad binawian ng buhay dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na kinilalang si alyas Pusa, tinatayang nasa hustong gulang, residente ng Barangay San Juan, sa Taytay.

Sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng Police Regional Office 4A (PRO4A) laban sa suspek sa Manila East Compound, Bgy. San Juan, dakong 8:00 ng gabi.

Una rito, nakatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya agad nagsikilos laban sa huli.

Doc Willie Ong, na-touch sa mensahe ni VP Sara sa kaniya

Nagpanggap na buyer ng shabu ang isang pulis at sa halip na sumuko, bumunot umano ng baril ang suspek at pinaputukan ang awtoridad.

Sa bandang huli ay tumimbuwang ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang 11 pakete ng umano’y shabu, na tinatayang 50 gramo at may estimated value na P680,000; isang cal .38 revolver; P1,000 buy-bust money; at iba pang drug paraphernalia.

-Mary Ann Santiago