NANAKAWAN ang Colombian pop singer na si Maluma ng luxury items na nagkakahalaga ng mahigit 50 million roubles ($785,000) sa kanyang hotel room malapit sa Red Square sa Moscow, iniulat ng Russian media nitong Martes.
Tinangay ng kawatan ang mahahalagang gamit ng singer, kabilang ang isang Louis Vuitton bag, 11 luxury watch, iba’t ibang item ng Cartier jewelry, at 10 glasses na puno ng diamonds at pearls, pahayag ng dalawang police source sa news portal RBC.
Nasa Russia kasi si Maluma, isa sa pinakamalalaking pangalan sa Latin music, para manood ng soccer World Cup.
Isiniwalat naman ng Moscow police ang lumalabas na suspek sa imbestigasyon nitong Martes, at kapwa sinabi ng RBC at Interfax na ang suspek ay tumitigil sa Four Seasons Hotel malapit sa Kremlin.
Hindi nagbigay ng detalye ang tagapagsalita ng hotel tungkol sa insidente ngunit kinumpirma sa Reuters na patuloy ang imbestigasyon. “We treat the question of security for our guests and their belongings very seriously and immediately informed the police,” aniya sa email.
Nito lamang after midday Moscow time, nagpost si Maluma sa social media na papunta siya sa lungsod ng Saransk, kung saan kakalabanin ng Colombia ang koponan ng Japan, kasama ang litrato ng kanyang sarili suot ang Colombian soccer jersey sa harap ng eroplano.
“En route to SARANSK. Today we finally accompany our team COLOMBIA!!” post ni Maluma, na mula sa siyudad ng Medellin, sa social media.
Natalo ang Colombia sa Japan sa score na 1-2.
-Reuters