KINUMPIRMA ng pamunuan ng SM Malls na first time na napilitang mag-perform sa escalator ang isang celebrity dahil sa dami ng dumagsa sa mall show nito.
Ito ang nangyari nitong Sabado kay Kyline Alcantara, sa SM Savemore Market sa Apalit, Pampanga. Hindi na umabot ang La Nueva Kontrabida ng Kambal Karibal sa makeshift stage dahil sa dami ng taong nagsisiksikan sa lugar.
Napilitan tuloy mag-perform sa escalator si Kyline, na pababa na sana papunta sa stage, pero maging ang entablado ay okupado na ng fans ng actress. Dahil dito, nagdesisyon ang security personnel na huwag nang pababain sa escalator si Kyline, kaysa maipit pa siya ng nagtutulakang fans. At least, sa escalator ay makikita siya ng lahat.
Ayon sa management ng SM, ngayon lang nangyari ito. Sinira raw ni Kyline ang record ni Daniel Padilla, na may pinakamaraming fans na dumagsa sa mall show.
Kahit na tuwang-tuwa ang SM sa mainit na pagtanggap ng mga tao kay Kyline, kinailangang tapusin kaagad ang show dahil marami na ring hinimatay na fans. Hindi raw nila papayagang maraming masaktan, kung mag-stampede pa ang mga fans sa kagustuhan nilang makita at malapitan si Kyline.
Pagkatapos sa Apalit, tumuloy din si Kyline sa SM Downtown sa San Fernando, Pampanga. Gaya sa Apalit, muling dinumog ng fans si Kyline pagpasok pa lang niya sa stage. Kaya ang management, nag-decide na ring putulin ang show, kaya nagpasalamat na lamang at nagpaalam nang maaga si Kyline sa fans.
Ganito raw lagi ang nangyayari kapag nagpu-promote sa malls ang mga bida ng Kambal Karibal. Kaya iniwasan na rin ng GMA na pagsabay-sabayin sina Miguel Tanfelix, Bianca Umali at Kyline. Isa-isa na lang silang nagmo-mall show, pero gaya ng nangyari kay Kyline, ganoon din ang reception ng mga tao kina Miguel at Bianca, kahit pa solo-solo sila.
Speaking of Kambal Karibal, lalo pang papaganda ang mga eksena dahil pumasok na sa serye si Sunshine Dizon as Maricar, ang tunay na ina ni Cheska (Kyline). Lumabas na rin muli si Raymond (Marvin Agustin) at tuluy-tuloy na ang paghihiganti niya sa mag-anak nina Geraldine (Carmina Villarroel) at Allan (Alfred Vargas), Crisan (Bianca), Crisel (Pauline Mendoza/Kyline), at kahit ang anak niyang si Diego (Miguel), hindi niya pinatawad.
Napapanood ang Kambal Karibal every night, after ng The Cure sa GMA 7.
-Nora V. Calderon