Bente kuwatro oras lang ang nakalipas nang muling mag-trending ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa isa pang maling post nito sa social media, makaraang tawaging “Rogelio” ang pumanaw na si dating National Security Adviser Roilo Golez.
Pinagpiyestahan na naman ng mga netizens ang pagkakamali ng PCOO, sa ikalawang sunod na araw, matapos ang post nito sa Twitter post na nagsasaad na Rogelio ang pangalan ng dating kongresista ng Parañaque City. Gayunman, Jose Roilo ang tunay na pangalan ni Golez.
Nai-post din sa Facebook page ng PCOO ang nasabing pagkakamali nang ibalita ng ahensiya ang tungkol sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa burol ni Golez sa The Heritage Park Mortuary and Crematory sa Taguig City nitong Huwebes.
Sa katunayan, hiniling pa ng anak ni Golez, si Parañaque City Vice Mayor Rico Golez, sa PTV-4 na iwasto ang nasabing pagkakamali.
“My father’s name is Jose Roilo S. Golez. Kindly make the necessary correction if possible. Thank you very much,” tweet ng nakababatang Golez.
Kaagad namang iwinasto ng PCOO ang pagkakamali, pero gaya ng dati ay pinagkatuwaan na ito ng mga netizens, at may nagtanong kaagad sa tanggapan kung si “Rogelio Golez” ba ay mula sa “Norwegia”.
Matatagpuan din ang nasabing pagkakamali sa caption ng mga opisyal na litrato na ipinadala ng Presidential Photographers Division (PPD) sa mga mamamahayag.
Bukod naman sa PCOO, ilang pribadong media outfit ang naglathala ng kaparehong pagkakamali sa kani-kanilang website at social media account nang gamitin nila ang litrato.
Maraming netizens naman ang nagpahayag ng pagkadismaya sa PCOO, dahil katatapos lang nitong maging laman ng mga balita dahil sa pagkakamali, makaraang tawaging “Norwegia” ang bansang Norway. (Argyll Cyrus B. Geducos)