BUTUAN CITY – Nilamon ng apoy ang 150 bahay sa Purok 1-A, Barangay Taglatawan, Bayugan City, Agusan del Sur, iniulat kahapon.

Gayunman, walang iniulat na nasaktan sa sunog na tumupok sa mga bahay sa Purok 1-A ng Bgy. Taglatawan, Bayugan City.

Sa inisyal na ulat na nakuha ng Balita mula sa Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) regional headquarters dito, nagsimula ang apoy sa ganap na 10:52 ng umaga nitong Biyernes.

Nagsimula umano ang apoy sa bahay ng isang hindi pa nakikilalang Maranao, na nilisan ang kanyang bahay, kasama ang pamilya nito, upang dumalo sa Eid al-Fitr celebration sa Marawi City.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Habang isinusulat ito, patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Bayugan City ang sanhi ng sunog.

Umabot sa ikaapat na alarma ang apoy at naapula bandang 2:30 ng hapon noong araw ding iyon.

Inaalam na ng awtoridad ang kabuuang bilang ng mga biktima. (Mike U. Crismundo)