Sinalakay kahapon ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga ipinagbabawal na gamot at iba pang kontrabando.

Inihayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Ronald “Bato” Dela Rosa na pinangunahan niya ang nasabing raid, sa ilalim ng ipinatutupad nilang “Oplan Galugad”.

Kasama ni dela Rosa ang mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at ang grupo niya sa BuCor nang galugarin nila ang mga prison dormitory sa maximum at medium security camps.

Kabilang sa nakumpiska ang 42 gramo ng hinihinalang shabu, 40 cell phone, isang gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, P91,340 cash, 798 kutsilyo at iba pang patalim, 68 batuta, 41 flash drives at memory cards, 448 pakete ng handmade cigarettes, 529 na pornographic DVD movie, 14 na DVD player, at 69 na kahon ng baraha.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinuyod din nila ang Buildings 5, 9 at 13 sa maximum security camp, kung saan nakakulong ang mga miyembro ng grupong Sputnik, Commando, Batang Cebu at Genuine Ilocano. Sinabi ni dela Rosa na maraming paraan upang makapagpuslit ng shabu sa loob ng NBP.

“Maraming paraan. Like ‘yung mga bisita. ‘Yung mga dalaw,” paliwanag ni dela Rosa, tinukoy na maaaring itago sa condom at sa maseselang bahagi ng katawan ang droga.

Dahil dito, iminungkahi ni dela Rosa na magtayo ng bagong access road na malayo sa pader ng Bilibid. Aniya, mahaharang na ng BuCor ang existing access road na posibleng ginagamit sa pagpapasok ng mga kontrabando.

-Jonathan M. Hicap