KD, sumingasing sa GS Warriors; James, bye na sa Cavs?

CLEVELAND (AP) — Kung alat si Stephen Curry, walang dapat ipagamba ang Dub Nation. Handa si Kevin Durant para panatilihin ang silakbo ng paghahangad sa dynasty ng Golden State Warriors.

Nagdiwang ang Warriors matapos ang three-pointer ni Durant. (AP)

Nagdiwang ang Warriors matapos ang three-pointer ni Durant. (AP)

Sa pagkakataong ito, nakaharap na ang Warriors sa pintuan ng pedestal at isang panalo na lamang para tuluyang ngumiti ang silahis ng araw sa pinakabagong ‘greatest team’ sa NBA.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumamada si Durant ng 43 puntos – career Final-high – tampok ang three-pointer sa krusyal na sandali para selyuhan ang dominasyon ng Golden State, 110-102, laban sa Cleveland sa Game 3 ng NBA best-of-seven Finals nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nakatakda ang Game 4 sa Biyernes (Sabado sa Manila) kung saan target ng Warriors na walisin ang Cavaliers para sa back-to-back title at ikatlo sa huling apat na championships.

Sa mga tagahanga ni LeBron James at ng Cavaliers, kasaysayan ang kanilang karibal sa katotohanan na wala pang koponan ang nakabangon sa 0-3 pagkakabaon sa NBA playoffs.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ang mesa para sa masaganang pagdiriwang ng Warriors.

Matapos maisalpak ni Stephen Curry ang three-pointer para sa 103-100 bentahe, naibuslo ni Durant ang pamatay ng long-range shot para tuluyang igupo ang nalalabing pag-asa ng Cavaliers na nakaharap nila sa kampeonato simula noong 2015.

“That was amazing what he did out there tonight,” pahayag ni Warriors coach Steve Kerr.”Some of those shots, I don’t think anybody in the world can hit those but him. He was incredible.”

Nanguna si James sa naiskor na 33 puntos, habang tumipa si Kevin Love ng 20 puntos para sa Cavs, tuluyang nabaon sa kumunoy ng kabiguan. Tangan ng Cleveland ang makasaysayang comeback mula sa 1-3 sa Warriors noong 2016 NBA Finals, ngunit nang panahong iyon, nasa tropa pa ng Oklahoma Thunder si Durant, at ibang grupo ang kasangga ni James.

Nakumpleto ni James ang triple-double sa naiskor na 11 assists at 10 boards.

Nakasalba ang Warriors sa kabila nang malamyang 3-of-16 shooting ni Curry.

Isang laro na lamang ang nalalabi at marami ang espekulasyon na ober da bakod na ang four-time MVP na si James na may karapatang isuko ang nalalabing US$35.6 milyon contract upang humanap ng koponan na posibleng tumalo sa Warriors.

“The shot clock was running down, I was pretty far out, I just wanted to get a look,” pahayag ni Durant, patungkol sa huling three-pointer sa layong mahigit sa 30 feet. “I didn’t want to run there and shoot a bad shot, fall on the ground and they got numbers going the other way so I decided to pull up.”