Inatasan ng Commission on Audit (CoA) ang mga opisyal ng Office of the Solicitor General (OSG) na ibalik sa gobyerno ang kabuuang P10,774,283.92 sumobrang honoraria at allowances, at ipinasosoli mismo kay Solicitor General Jose Calida ang malaking bahagi nito, na aabot sa P7,462,410.28.

Batay sa 2017 annual audit report para sa OSG, inihayag ng CoA na kumolekta si Calida at ang mga abogado ng OSG ng mga legal service allowance mula sa mga kliyente nitong ahensiya, na lumabis nang 50 porsiyento sa suweldo ng mga ito.

Inilabas ang nasabing CoA report sa harap ng mga ulat na posibleng nilabag ni Calida ang batas dahil sa multi-milyong pisong secruity service contracts na nakopo umano ng security agency na pag-aari ng kanyang pamilya mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sa kaso ni Calida, sinabi ng mga audit examiner na entitled lamang si Calida sa P913,950 allowances, na katumbas ng kalahati ng kabuuan niyang suweldo.

National

Bam Aquino sa girian sa politika: 'Taumbayan na naman naiipit!'

Gayunman, noong 2017, tumanggap ang pinuno ng OSG ng P8.376 milyon halaga ng allowances, na sumobra nang P7.46 milyon sa pinahihintulutang halaga. Ang kabuuang allowances at honoraria na tinanggap ni Calida ay mahigit apat na beses na mas mataas sa taunan niyang suweldo.

Batay sa records ng CoA, bukod kay Calida, 13 pang abogado at opisyal ng OSG ang tumanggap ng sobra-sobrang allowances at honoraria: sina Henry Angeles, na sumobra ng P697,039.15; Herman Cimafranca, P62,454; James Cundangan, P448,707.83; Renan Ramos, P837,252; Rex Bernardo Pascual, P136,814.72; Ma. Antonia Edita Dizon, P273,746.44; Raymond Rigodon, P363,894; Danilo Leyva, P50,051.82; Lilian Abenojar, P90,626; John Dale Ballinan, P90,026; Perfecto Adelfo Chua Cheng, P158,501.85; Leney Delfin Layug, P70,626; at Gift Mohametano, P13,739.83.

Ayon pa sa CoA, bukod sa sobra-sobrang honoraria at allowances na natanggap ng mga opisyal ng OSG, ang mga benepisyo ng mga ito ay hindi “properly monitored for taxation purposes.”

Dahil dito, inatasan ng CoA si Calida at ang mga nabanggit na opisyal “[to] refund the excess amount” at ideposito ang pera sa OSG Trust Fund.

Depensa naman ng OSG, iginiit nitong ang COA Circular No. 85-250E “does not apply” sa kanila, dahil pinahihintulutan sila ng Presidential Decree 478 na tumanggap ng mga allowance at honoraria para sa serbisyong legal nang “without qualification”.

-BEN R. ROSARIO