Hinikayat kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang mga anti-narcotics unit ng pamahalaan sa bansa na magsama ng mga mamamahayag sa kanilang operasyon.
Layunin, aniya, nito na magkaroon ng transparency sa pamunuan ng PNP habang hinihintay nila ang pagbili ng mga body camera na gagamitin ng police anti-illegal drugs operatives sa bansa “This is to make the operation transparent and in order to clear doubts of other people regarding our anti-illegal drugs operations,” ayon kay Albayalde.
Ang hakbang na ito ay upang hindi na maulit ang mga lumabas na alegasyong nagkakaroon ng extra-judicial killings at pang-aabuso sa karapatang-pantao ng mga pinaghihinalaang dawit sa ipinagbabawal na gamot, katulad ng mga naitalang insidente sa Bulacan, Cavite, Laguna at sa iba pang lugar sa Metro Manila.
Katwiran ni Albayalde, parang may suot na body camera na rin ang mga pulis kapag may kasama silang mamamahayag sa mga operasyon dahil ang mga ito na ang kumukuha ng footages at saksi sa operasyon.
Kung walang taga-media, maaari ring isama ng mga pulis ang mga opisyal ng barangay upang matiyak ang transparency ng anti-drug operations ng PNP.
-Aaron Recuenco