Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko kahapon laban sa mga aktibidad ng mga sindikato ng human trafficking na nambibiktima ng mga nagnanais na maging overseas Filipino workers (OFWs).

Inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente ang babala matapos maharang ng mga tauhan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang17-anyos na babae na gumamit ng identity ng isang mas matandang babae sa pagkuha ng passport at work documents gamit ang pangalan ng huli.

Sinabi ni Morente na ang biktima, hindi na pinangalanan para sa kanyang proteksiyon, ay naharang kamakailan sa NAIA Terminal 1 nang magtangka siyang sumakay sa isang flight patungong Riyadh, Saudi Arabia gamit ang mga pekeng travel document.

“Her case was immediately referred to the DSWD and the Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) for investigation so she could help identify those who victimized her,” ani Morente, idinagdag na “these syndicates should be prosecuted for child trafficking.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Iniulat ni i BI OIC Associate Commissioner and Port Operations Chief Marc Red Mariñas na naghinala ang immigration officer dahil tila mas bata ang babae kaysa edad na 23 taon na nakalagay sa kanyang passport.

“She later admitted during questioning that she is only 17 years old,” ani Mariñas.

May hinala ang mga opisyal ng BI nabiktima ang babae ng parehong sindikato na nagpapalusot ng mga Pilipino sa NAIA gamit ang pekeng Overseas Employment Certificates (OECs) o gamit ang ibang pagkakakilanlan.

Sinabi ni Mariñas na ilang biktima na ang pinigil matapos silang alertuhin ng POEA at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay sa nasabing scheme.

Nitong nakaraang linggo, isang 20-anyos na babaeng patungong Dubai ang nahuling nagpresinta ng travel documents ng isang 25 anyos na OFW.

-Jun Ramirez