Naiba ang ihip ng hangin, at nagpasya na ngayon ang Department of Justice (DoJ) na imbestigahan ang kasunduan nito sa security firm na pag-aari ng pamilya ni Solicitor-General Jose Calida.

Nagbago ang posisyon ni Secretary Menandro Guevarra kaugnay sa isyu matapos siyang himukin ng isang miyembro ng Commission on Appointments (CA) sa pagdinig kahapon sa kanyang interim appointment sa DoJ.

Bagama’t nilinaw na wala siyang pagtutol sa appointment ni Guevarra, hiniling ni Senador Francis Pangilinan, miyembro ng Committee on Justice and Judicial Bar Council ng CA na tumatalakay sa appointment Guevarra, na repasuhin ng DoJ ang kontrata nito sa Vigilant Investigative and Security Agency, Inc. (VISAI) ni Calida, na iniulat na nakakuha ng mahigit P150 milyon sa anim na kontrata sa gobyerno simula 2016.

Humiling si Pangilinan, sa kanyang manifestation, ng mas maraming impormasyon kaugnay sa kontrata na ayon kay Guevarra, nitong Martes, ay walang anomalya at ipinalagay na dumaan sa tamang proseso.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Now that it has been brought up, then we’ll take a look. Wala naman masama dun na i-review,” ani Guevarra sa ambush interview sa suspensiyon ng kanyang confirmation hearing.

“I just said earlier that there’s a presumption of regularity, but that’s a just presumption. Ang ibig sabihin noon, if there is evidence to the contrary, that there is some violation, let’s say the procurement laws, it’s something that is worth looking into,” dagdag niya, na ang tinutukoy ay ang kanyang pahayag nitong nakaraang araw.

Gayunman, nilinaw ni Guevarra na iimbestigahan lamang nila ang kontrata ng VISAI sa DoJ at hindi na makikialam sa kontrata ng security firm sa lima pang ahensiya ng gobyerno.

‘PAKAPALAN’

Hiniling naman ng minorya sa Senado ang pagbibitiw ni Calida kaugnay sa isyu.

Ayon kay Senator Antonio Trillanes, ikakasa din nila ang imbestigasyon kay Calida na inilarawan niyang makapal ang mukha.

“Pakapalan na lang ito ng mukha, hahalungkatin natin ang mga anomaly,” ani Trillanes.

Para naman kay Senador Leila de Lima masyadong ipokrito si Calida at dapat itong magbitaw sa puwesto dahil malinaw naman na ang security business ng kanyang pamilya ang namayagpag sa mga kontrata.

”He has the gall to claim that there is no conflict of interest despite official records showing that his family-owned security firm bagged P150-million worth of contracts from government agencies,” banat ni De Lima.

-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at LEONEL M. ABASOLA