Duguang bumulagta sa semento ang isa umanong holdaper makaraang makipagbarilan sa mga pulis, habang nakatakas naman ang kasama nito sa hot pursuit operation sa Muntinlupa City, nitong Lunes ng gabi.

Binawian ng buhay sa Ospital ng Muntinlupa ang suspek na kinilala sa alyas na Charlon, nasa hustong gulang, dahil sa ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at ng mga tauhan ng Intelligence Unit, sa pangunguna ni Senior Insp. Pesigan, sa PNR Site, dakong 11:30 ng gabi.

Unang dumulog sa tanggapan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ang biktimang si Joana Libre y Sayson, 37, ng Purok 1, Blk 6C, Barangay Bayanan, Muntinlupa, kaugnay ng panghoholdap sa kanya ng dalawang lalaking armado na tumangay sa kanyang shoulder bag na naglalaman ng P3,500 cash; isang cell phone; at make-up kits sa Molina Street, PNR Site, Bgy. Alabang, bandang 10:45 ng gabi.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ayon sa biktima, tumakas ang mga suspek patungong Bgy. Bayanan.

Tiyempong nagsasagawa ng intelligence monitoring ang Intel Operatives sa PCP 3 at nalaman ang insidente at nagkasa ng operasyon laban sa mga suspek.

Naabutan ng awtoridad ang mga suspek sa likod ng isang mall sa lugar, ngunit sa halip na sumuko ay bumunot umano ng baril at pinaputukan ang mga pulis at nagkabarilan hanggang sa bumulagta si Charlon habang nakatakas ang kanyang kasama.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .38 pistol na kargado ng anim na bala at ang shoulder bag ni Libre.

-Bella Gamotea