Ipinababasura ni Bohol Rep. Arthur Yap sa Sandiganbayan ang isa pang kasong graft na kinakaharap niya kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng abono, na nagkakahalaga ng P46.45 milyon, noong 2003.
Sa kanyang mosyon, tinukoy ni Yap na dapat ding i-dismiss ng anti-graft court ang nabanggit na kaso dahil naibasura na rin ng hukuman ang isa pang kahalintulad na kaso sa Visayas at Mindanao, na nag-ugat din sa umano’y irregularidad na pagbili ng fertilizer.
Aniya, matagal na ang nasabing kaso dahil nagsimula ito noong kalihim pa siya ng National Food Authority (NFA).
“With the cases for the procurement in Visayas and Mindanao having been dismissed by the Ombudsman, I am confident and hopeful that the Ombudsman will also carefully review the case they filed against me at the Sandiganbayan involving the procurement in Luzon and thereafter move for its dismissal,” paliwanag nito.
Matatandaang bukod kay Yap, sinampahan din ng limang bilang ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) si dating Department of Agriculture (DA) Secretary Luis Lorenzo Jr. nang hindi umano dumaan sa competitive bidding process ang pagbili nila ng pataba noong Hulyo at Agosto 2003.
-Charissa M. Luci-Atienza