NANGANGAMBA ang mga grupo ng manggagawa na maaaring magdulot ng malawakang kawalan ng trabaho (joblessnes) kapag pinagtibay at ipinatupad ang TRAIN 2 (Tax Reform for Acceleration and Inclusion 2) Law.
Habang nayayanig ang taumbayan bunsod ng tumataas na presyo ng fuel at consumer goods, nagbabala ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na lubhang masasaktan ang mga manggagawa at kawani kapag pinagtibay at ipinatupad ang TRAIN 2 na tinatalakay ngayon sa Kongreso. Maraming sektor ang nananawagan na i-repeal ang TRAIN 1 sapagkat nagdudulot ito ng paghihirap sa mga tao, bunsod ng mataas na presyo ng mga bilihin ngayon.
Salungat ang economic managers ng Duterte administration sa suspensiyon o pag-repeal sa TRAIN 1. Sa halip, itinutulak nila ang mabilis na pagpapatibay sa TRAIN 2 para pondohan ang infrastructure projects ng administrasyon.
Para kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, karamihan sa mga Pilipino ay lalong naghirap ng P12.3 bilyon sa unang tatlong buwan ng 2018 sapul nang ipatupad ang TRAIN. Ayon sa kanya, ang P12.5 bilyon ay kumakatawan sa dagdag na buwis na nakolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula nang iimplementa ang TRAIN nitong Enero-Marso.
Ikinatwiran naman ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi ang TRAIN ang dapat sisihin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo kundi ang patuloy na pagtaas ng halaga ng crude oil sa pamilihang pandaigdig. Nag-aabang ang nagsusuring mga Pinoy. Naghihintay sila ng pangakong PAGBABAGO na mag-aangat sa kalagayan nila sa buhay, makakain ng tatlong beses, mapag-aral ang mga anak, at magkaroon ng kapayapaan at pagkakasundo.
Ipinagtanggol ng Malacañang ang pahayag kamakailan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte tungkol sa kababaihan matapos maglunsad ng kampanya laban sa umano’y “Chief Executive’s sexism and misogyny.” Inilunsad noong Linggo ang #BabaeAko Movement ng mga aktibista at women’s rights advocates na nag-akusa sa Pangulo ng pagkakaroon ng mababang pagtingin sa kababaihan.
Kabilang sa social media users sina ex-DSWD Sec. Judy Taguiwalo, writer Inday Varona at activist Mae Paner, ang nag-post ng videos na bumibira kay PRRD dahil sa kanyang “anti-women statements”. Ang kilusan ay inilunsad ilang araw matapos sabihin ni Mano Digong na ayaw niyang maupo ang isang babae bilang Chief Justice ng Supreme Court kapalit ni Ma. Lourdes Sereno.
Itinanggi ng Palasyo na si PDu30 ay sexist dahil may mga babae siyang hinirang sa gabinete, tulad ni Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat. Sabi nga ni presidential spokesman Harry Roque: “We reiterate that the president’s recent remarks on women are a mere play of words.” Tumangu-tango ang kaibigang palabiro-sarkastiko: “Talagang palabiro ang ating Pangulo at makukulay ang kanyang pananalita.”
Naniniwala akong hindi sexist at misogynist ang ating Pangulo. Mahal niya ang kababaihan. Ang inang si Soledad na guro ay kanyang idolo. Bilib siya sa anak na si Mayor Sara. Mahal niya si Honeylet at anak na si Kitty. Mahal pa rin niya ang unang asawang si Elizabeth. Talaga sigurong pag nagalit siya, wala siyang pinupuwera maging ikaw ay babae o lalaki!
-Bert de Guzman