NAG-POST nitong nakaraang Linggo ng gabi ang isa sa Spring Films producers na si Erickson Raymundo ng litrato nila ng mga kasosyo niyang sina Piolo Pascual at Binibining Joyce Bernal na may caption na, “Spring Films is receiving its 4th award this year and it’s the first time for us to receive an award as a team. #SpringFilms #KitaKita#MostPopularProducers”
Iginawad kasi sa kanila ang Most Popular Producers sa Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation 49th Box-Office Entertainment Awards.
Sa bilang namin ay pangwalo ang Kita Kita sa mga prinodyus ng Spring Films at ngayon lang sila nakatanggap ng award.
Umingay nang husto ang Kita Kita na pinagbidahan nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez dahil sa record ng indie movies ay ito lang ang kumita ng mahigit sa P400M.
Nasungkit din ng direktor ng Kita Kita na si Sigrid Andrea Bernardo ang award bilang Most Popular Screenwriter.
Tinanghal namang Breakthrough Movie Love Team sina Alessandra at Empoy at nakuha rin ng huli ang Breakthrough Movie Actor of the Year.
Kaya ang ganda ng mga ngiti ng Spring Films producers sa apat na awards ng Kita Kita.
Marami pang pelikulang nakatakdang gawin ang Spring Films na makikipag-collaboration sa iba’t ibang movie outfit para sa malalaking pelikula nila.
Sa Cornerstone Artist Management na pinamamahalaan ni Erickson ay nakatanggap din ng award sina KZ Tandingan as Female Recording Artist of the Year (Soul Supremacy); Inigo Pascual bilang Promising Male Recording Artist of the Year (Dahil Sa ‘Yo) at Promising Female Recording Artist of the Year naman si Moira dela Torre.
Bukod sa pelikula ay ratsada rin ang Cornerstone Concerts kina Moira at K Brosas na ginanap sa KIA Theater nitong Pebrero at Abril, katatapos naman ng RP10 ni Richard Poon nitong Sabado sa Resorts World Manila na halos lahat ay sold-out.
Ang susunod naman na magkakaroon ng concerts ay sina KZ sa Smart Araneta Coliseum ngayong Hunyo at Erik Santos sa SM MOA sa Setyembre.
-REGGEE BONOAN