KUMPIRMADO nang papalitan si TNT import Jeremy Tyler.

Katunayan ay hindi na siya ginamit sa nakaraang laban ng Katropa kontra Blackwater Elite noong nakaraang Biyernes kung saan tinalo ng All-Filipino crew ng una ang huli sa iskor na 120-101,kasabay ang pagkumpirma ng management ng pagbabalik ng dati nilang import na si Joshua Smith.

“Joshua Smith will be arriving in the Philippines on May 25,” pagkumpirma ni Katropa, team manager Virgil Villavicencio.

Inaasahang makakasama ng maglaro ng Katropa ang 6-foot-10 import sa Hunyo 1, sa laban nila kontra Columbian Dyip pagkaraan ng isang linggong break para sa 2018 PBA All-Star Week sa Mall of Asia Arena.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ayon kay Villavicencio, dapat sana ay ngayong Mayo na darating si Smith ngunit may commitment pa ito sa club team na Kyoto Hannaryz sa Japanese B-League.

“We wanted him to get here on the 16th, but he had to be with his team for their outreach programs,” ani Villavicencio.“He can actually come here for a day and go back there, but he said it might be difficult.”

Umaasa ang Katropa na sa pagbabalik ni Smith na magagawa uli nitong tulungan ang Katropa na umabot ng kampeonato gaya ng ginawa nito noong nakaraang 2017 Commissioner’s Cup Finals. (Marivic Awitan)