Sasampahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) si dating Department of Justice (DoJ) Assistant Sec. Moslemen Macarambon, Sr. dahil sa pagkakasangkot sa smuggling ng alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, kasunod pa rin ito ng kanilang operasyon, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Customs (BoC), laban sa balae ni Macarambon, si Mimbalawang Bangsa-An Abdullah, at kanyang asawa.

Sa ngayon, nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang PACC sa posibleng administratibong pananagutan ni Macarambon at kanilang idudulog sa Ombudsman.

Sa imbestigasyon ng awtoridad, tinulungan umano ni Macarambon si Abudallah nang mahuli ito sa NAIA dahil sa pagbibitbit ng mga alahas, na nagkakahalaga ng P15,177,291.90, noong Disyembre 2017.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang naturang mga alahas ay may buwis na P6,920,861.91 ngunit nang pumagitna si Macarambon ay naibaba ito sa P1,368,017.

Nitong Mayo 5, muling nahuli ang mag-asawang Abdullah sa NAIA, kasama si Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando, sa pagpupuslit ng mahigit P6 milyong halaga ng mga alahas.

Ayon kay Belgica, walong sindikato ang binabantayan nila. Aniya, modus ng mga ito na magpasundo sa NAIA sa matataas na opisyal ng pamahalaan, para makalusot ang kanilang kontrabando.

-Beth Camia