ZAMBOANGA CITY - Kumita umano ang bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa pagdukot sa dalawang babaeng pulis na pinalaya ng mga ito nitong Martes.
Ito ang ibinunyag ng isang reliable source, na tumangging magpabanggit ng pangalan, na nagsabing nagbayad ng P2.5 milyon ang mga kaanak nina Police Officers 1 Bienrose Alvarez at Dinag Gumahad. Pinakawalan ang dalawang pulis sa magkakahiwalay na lugar sa Talipao, Sulu, nitong Martes ng umaga at gabi, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang naiulat na nasa likod ng pagdukot ang grupo ni Injam Yadah, na nauna nang humihingi ng P5 milyong ransom.
Sina Alvarez, nakatalaga sa Engineering Service Division ng Regional Logistic Division ng Regiona Police Office 9; at Gumahad, nakatalaga sa Midsalip Municipal Police Station-Zamboanga de Sur, ay tinangay ng mga armadong grupo habang sakay sa isang tricycle nitong Abril 29.
Nauna nang naiulat na pinangasiwaan ng isang lider ng Moro National Liberation Front (MNLF), na sinasabing kadikit ni dating Sulu Governor Abdusakur Tan, ang negosasyon sa kalayaan ng dalawang pulis.
-NONOY E. LACSON