Ni Bella Gamotea

Bugbog-sarado ang isang government employee matapos pagtulungang gulpihin ng mga poll watcher sa kasagsagan ng Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Taguig City, nitong Lunes ng hapon.

Nakaratay sa Taguig-Pateros District Hospital si Ibrahim Esmael y Baguinda, 38, tubong Cotabato, ng No. 8 Matampay Street, Maharlika Village Taguig City.

Iniimbestigahan naman ang mga inarestong suspek na sina Khalid Fahad Macaalim y Vargas, 26, ng 121 Maliwanag St., Zone 67, Bgy. 648 San Miguel Manila; at Rasdy Dumaraya y Paudac, 28, tubong Marawi, ng 199 IRM Road, Maharlika Village, Taguig City, habang pinaghahanap pa ang apat na hindi pa nakikilalang suspek.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang pambubugbog sa polling precinct ng Maharlika Elementary School na matatagpuan sa Maharlika Village ng nasabing lungsod, bandang 2:45 ng hapon.

Nagtungo umano si Esmael sa nasabing presinto upang kamustahin ang kanyang misis na nagsisilbing poll watcher ng sinusuportahang kandidatong barangay chairman.

Subalit bigla umanong sinampal, sinuntok at pinagtulungang gulpihin si Esmael ng mga suspek na pawang poll watcher ng kalabang partido.

Agad rumesponde ang mga pulis at naaresto ang dalawa na mariing itinanggi ang pananakit sa biktima.

Dahil sa insidente, naantala ang pagbibilang sa mga boto.

Ipinag-utos na nina National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Camilo Cascolan at SPD Director Tomas Apolinario, Jr. na dagdagan ang mga pulis sa naturang eskuwelahan upang maipagpatuloy ang naantalang bilangan.