Ni Bert de Guzman
MAGANDA na at kaakit-akit pa, magaling pa rin ang rekord at maganda ang pamilyang pinagmulan. Iyan si Bernadette “Berna” Romulo-Puyat, ang bagong hirang na kalihim ng Department of Tourism (DoT). Pinalitan niya si Wanda Tulfo-Teo, kapatid ng Tulfo brothers.
Ayon kay Ms. Berna, matapos niyang tanggapin ang surprise appointment mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ang unang utos o instruksiyon sa kanya ni Mano Digong ay: “Don’t be corrupt.” Talagang gigil na gigil ang ating Pangulo sa isyu ng kurapsiyon at illegal drugs.
Kung nais mo siyang magmura at bumula ang bibig sa galit, banggitin mo ang katiwalian sa gobyerno at ang pamamayagpag ng illegal drugs na sumisira sa utak ng mga kabataan na mahal na mahal ni Pres. Rody.
Si Berna Romulo-Puyat ay mula sa lahi ng mga Romulo sa Camiling, Tarlac. Lolo niya si Carlos P. Romulo (CPR) na unang Pilipino na naging puno ng United Nations at kauna-unahang Pilipino na ginawaran ng Pulitzer Prize. Anak siya ni ex-Sen. Alberto Romulo na dati ring Kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA). May mga ulat na mula rin siya sa lahi ni Leonor Rivera, ang kasintahan ni Jose Rizal.
Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Basta ALBERTO ay magaling at mahusay.” Tugon ko: “Nagbibiro ka ba o nang-aasar. Sige na nga, babayaran ko ang kape at sandwich mo.” Naalala ko tuloy ang kilalang Italian writer na si Alberto Moravia.
Matapos malagay sa cover ng TIME magazine bilang isang “strongman” kasama ang iba pang strongmen na sina Russian President Valdimir Putin, Turkish Pres. Recep Tayyip Erdogan at Hungarian Prime Minister Viktor Orban, ngayon naman ay kabilang si PDu30 sa “Forbes’ Most Powerful People” sa mundo.
Siya ang ika-69 sa hanay ng 75 indibiduwal na itinuturing na “Most Powerful in the World.” Ayon sa ulat, na-dislodge ni Chinese Pres. Xi Jinping bilang Number One ang “idolo” ng ating Pangulo na si Vladimir Putin. Pangalawa na lang si Putin at pangatlo si US Pres. Donald Trump.
Walang duda, si PRRD ang pinakamakapangyarihang tao ngayon sa Pilipinas. Napayuyuko niya ang Lehislatura at nayayanig ang Hudikatura. Ganito ang magiging sitwasyon hanggang 2022!