Ni REGGEE BONOAN

FIRST time naming maka-up close and personal ang dating sexy star na si Ynez Veneracion na bagamat nakikita namin noon sa mga presscon ay hindi namin nai-interview.

YNEZ

Pero sa baby shower ng tagaluto ng pamilya Atayde sa bahay nila nitong Linggo ay nakatsikahan namin si Ynez kasama ang nag-iisang anak na si Keilah na nag-aaral sa isang exclusive school for girls.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Hindi namin naitanong kung ilang taon na ang bagets, pero sa tantiya namin ay nasa walong taong gulang. Kumakain kasi kami nang marinig naming nagtatalo ang mag-ina dahil ayaw kumain ni Keilah na ang sabi’y busog pa.

“No, you have to eat first before you play!” sabi ni Ynez sa anak na alis nang alis dahil naglalaro sa computer kasama ang mga anak din ng mga bisita nina Sylvia Sanchez.

“Hay, ang hirap pakainin!,” sabi sa amin ni Ynez na halatang naiinis na. “Ang hirap niya talagang pakainin, sobra! Nagtatalo kami dahil diyan. Nakakatatlong subo pa lang sasabihin na niya, ‘Mommy I’m full, I’m about to blow’ kaya hayan payat.”

Payat nga pero bata pa naman kaya okay lang. Ipinagmalaki ni Ynez na hindi sakitin ang anak.

“Kumpleto siya ng vitamins sa awa ng Diyos okay naman kaya kampante naman ako, maliksi at hindi sakitin.”

Tinititigan namin ang bata na hindi kamukha ni Ynez, pero napag-isip kami kung sino ang tatay nito. Nagkuwento ang aktres kung sino, at minabuti naming huwag na lang banggitin dahil kilalang tao ito at may puwesto sa gobyerno.

“Hindi ko kamukha, ‘no? Kamukha ng tatay, hayan pinagbiyak na bunga. Okay naman kami no’n at okay din sila ng anak niya nagbi-video call naman sila at sinasabihan siya ng tatay niya, makulit kasi sa school at bully.”

Sa liit at payat na iyon, nambu-bully?

“Actually, hindi naman siya ang nagsisimula, kapag may nang-aaway sa kanya o inaasar siya saka siya gumaganti, eh, pinagsasabihan ko kasi hindi nga tama. Nakakatakot nga kasi napatawag ako sa school, imagine may sinabihan daw siyang, ‘I will kill you!’ Siyempre natakot ‘yung estudyante kaya nagsumbong sa magulang, kaya todo sorry ko sa magulang. Kaya hayun, sinabi ko sa tatay niya at kinausap naman siya, maayos naman silang nag-usap mag-ama,” kuwento ni Ynez.

“Iniisip ko nga kung kanino nagmana kasi hindi naman ako ganyan, pero malambing at super bait talaga siya, nagi-guilty nga ako kapag may work ako kasi mag-isa lang siyang naiiwan sa bahay at yaya, naghahanap siya ng kalaro.

“Kaya kapag wala akong work maski antok na antok na ako kapag gusto niyang maglaro talagang laro kami. Bumabawi ako sa anak ko.”

Halata ngang sabik sa kalaro ang bata.

Nakita namin kung paano maglambing si Keilah at bumilib kami dahil mahilig kumain ng gulay na bihira sa mga kaedad niya.

“Naku, tinuturuan ko talaga siya, kumakain talaga siya like carrots, kangkong, monggo, marami pa,” masayang kuwento ng proud mom.

Hirit namin, bakit hindi na lang siya mag-anak ulit para may kalaro ang panganay niya?

Natawa kami sa sagot ni Ynez, “Hahanap muna ako ng boyfriend ha, single kasi ako ngayon.”

Wala pa sa plano ni Ynez ngayon na magkaroon ng karelasyon dahil gusto niyang tutukan ang anak at kailangan niyang maghanapbuhay nang husto.

“Need ko mag-work dahil may mga bills na dapat bayaran, kasi ‘yung sustento naman ng tatay ng anak ko ay para sa kanya lang, wala naman ako at saka tinanggihan ko talaga para wala siyang (tatay ng anak) hawak sa akin,” pahayag ng aktres.

Napag-usapan din namin ang tungkol sa mga artistang nakararamdam ng burn-out o emptiness.

“Oo nga, nakakaawa rin sa sobrang pagod na nila. Kasi kaming mahihirap o nasa middle class, walang karapatang ma-burn out kasi need naming mag-work para pambayad ng bills. Kaya todo kayod ako personally.”

May upcoming show si Regine Tolentino, ang Ignite Dance concert na kasama siya at gaganapin sa SM Sky Dome sa Mayo 26.

Ayon kay Ynez, pasabog ang mga production number nila nina Regine kasama ang ibang guest na may kanya-kanyang drama sa entablado.

Special guests din ni Regine sa concert sina Sheryl Cruz, Andrea del Rosario, Patricia Javier, Madel Paltuob, Gem Ramos, Cherry Lou, Sheree, Leah Patricio, Sheng Belmonte, Jenny Miller, Alyna Velasquez, Che Che Tolentino, April Tolentino, Luningning, Mariposa, Zara Lopez, Saicy Aguila, Dasuri Choi at Zeus Collins.