Celtics vs Cavaliers sa EC Finals

BOSTON (AP) — Kapwa kulang sa karanasan sa playoff ang batang koponang Philadelphia at Boston. Ngunit, sa krusyal na sandali, mas determinado ang Celtics para sa mas mabigat sa pakikibaka.

Naisalpak ni rookie Jayson Tatum ang lay-up mula sa assist ni Marcus Smart para makumpleto ang matikas na pagbangon ng Celtics mula sa anim na puntos na paghahabol sa huling dalawang minuto at agawin ang 114-112 panalo laban sa Sixers nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nakumpleto ng Boston ang dominasyon sa Philadelphia sa best-of-seven series, 4-1, at haharapin nila sa Eastern Conference Finals ang four-time defending champion Cleveland Cavaliers.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumubra si Tatum ng 25 puntos, habang tumipa ang kapwa rookie na si Jaylen Brown ng 24 puntos at humirit si Terry Rozier ng 17 puntos, tampok ang dalawang free throws matapos mapuwersang mag-turnover si Joel Embiid sa huling tatlong segundo. Kumana rin si Al Horford, isa sa beteranong maasahan sa Boston, sa natipang 15 puntos at walong rebounds.

Nakatakda ang Game 1 ng EC Finals sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Boston.

Nanguna si Embiid sa Sixers na may 27 puntos at 12 rebounds, habang nagsalansan si Dario Saric ng 27 puntos at 10 rebounds, at humalikat si rookie Ben Simmons ng 18 puntos, walong rebounds at anim na assists.

May tsansa ang Sixers na maitabla ang iskor matapos umiskor si Tatum para sa 111-109 bentahe may 18.8 segundo ang nalalabi, ngunit sumablay si Embiid sa kanyang short jumper at nabigo sa tip-in, nakuha niya ang rebound. Subalit bago pa muling makatira ay nasundot ni Rozier ang bola na tumama sa paa ng 7-foot center.

Kaagad na kumuha ng foul ang Sixers kay Rozier na kumana namang ng dalawang free throw para sa 113-109 bentahe. Naisalpak ni J.J. Reddick ang three-pointer para mataptas ang bentahe ng Boston sa isang puntos.

Nakakuha ng foul si Marcus Smart para sa dalawang free throw na nagselyo sa panalo ng Boston.

Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na magtutuos sa conference finals ang Celtics at Cavaliers, ngunit kapwa nabago na ang line-up ng magkabilang panig, kabilang ang paglipat ni Kyrie Irving sa Celtics, ngunit minalis na ma-injury.